KUWAIT CITY -- Pinabilib ng Philippines ang mga tennis officionados dito dahil kahit may sakit si Cecil Mamiit ay nakipagtambal ito kay Eric Taino upang kumpletuhin ang paghiya sa Kuwait sa kanilang Asia-Oceania Zone Group II Davis Cup finals dito.
Ibinigay ni Mamiit na hindi pa lubos na magaling sa kanyang allergy na umatake pagkatapos ng kanyang singles match, ang kumpiyansa kay Taino para sa 6-7 (5), 6-0, 6-2, 2-6, 6-1 decision kontra kina Mohammad Al-Ghareeb at Mohammad Siddiq para sa ikatlong puntos ng Philippines sa best-of-five matches tie.
Noong Biyernes, tinalo ni Mamiit si Ahmad Rabeea Muhammad, 6-3, 6-0, 6-0, at iginupo ni Taino si Al Ghareeb, 6-2, 6-3, 7-6.
Bunga ng panalong ito para sa 3-0 record ng Pinas, wala nang silbi ang reverse singles matches.
“It was the best show of courage I have seen. Cecil refused just to lie down on his bed and do nothing. He was really the spark of this team,” sabi ni non-playing captain Martin Misa.
Isinugod sa malapit na New Dor Al Shifa hospital ng hatinggabi si Mamiit nina Misa at coach Chris Cuarto nang hindi ito makahinga pagkatapos ng hapunan noong Biyernes. Na-allergy ito sa nakaing “toxic substance.” Binigyan ito ng antihistamin, Telfast tablets at pinayuhang magpahinga ng tatlong araw.
“After consultations with Chris, I was about retain Patrick (PJ Tierro) and Johnny (Arcilla) for the crucial doubles. But Cecil came in to the room and said he is ready to play, and that was it,” ani Misa.
Hindi naging madali ang laban para kina Mamiit at Taino ngunit nagbigay sa kanila ng lakas ang malakas na cheering ng malaking Filipino crowd sa gallery na mga miyembro ng Filipino Tennis Association in Kuwait (FTAK).
Ang winawagayway na bandila ng Pilipinas at umaalingawngaw na “Let’s Go, Philippines, let’s go” at ang kantang “Boom Tarat-tarat” ang nagbigay lakas sa Pinoy duo na hiyain ng husto ang Kuwaitis na nagbalik sa Pinas sa Group I ng Asia-Oceania zone.