Pinoy netters 2-0 pero...
Malakas na panimula na ipinagkaloob nina Fil-Americans Cecil Mamiit at Eric Taino ang nagbibigay pa rin ng tibay sa hangarin ng Pilipinas na makabalik sa Group I sa idinadaos na Asia Oceania Zone Davis Cup Group II Finals na nilalaro sa Bassam Al-Motawa Tennis Center, Meshref, Kuwait simula noong Biyernes.
Dinomina ng number one RP netter na si Mamiit ang number two player ng Kuwait na si Ahmad Rabeea Muhammad, 6-3, 6-0, 6-0, bago sinundan ng 6-2, 6-3, 7-6 (5) tagumpay ni Taino laban sa pambatong si Mohammad Al-Ghareeb para bigyan ng 2-0 panimula ang bisitang bansa sa best of five tie.
Ang kalamangan ay makakatulong sakaling hindi na makalaro uli si Mamiit na itinakbo sa New Dor Al Shifa noong hatinggabi ng Biyernes bunga ng allergy na tila nagmula sa kinaing tinolang manok.
Ang mga sumuri kay Mamiit ay nagbigay ng gamot na Telfast tablets at pinayuhan ito na mamahinga sa loob ng tatlong araw. Kung susundin ito ay mangangahulugan na hindi na ito lalaro sa doubles na ginawa kahapon at ang reversed singles ngayon.
Sina Muhammad at Al-Ghareeb ang nominado para sa Kuwait sa doubles na maaari pang ibigay ng Pilipinas. Pero mangangahulugan ito na kailangang manalo ng Nationals ng isa sa nalalabing dalawang reverse singles para makuha ang tagumpay.
Sa iskedyul, si Mamiit ay makakasagupa ni Al-Ghareeb sa unang laban bago ang tagisan sa pagitan nina Taino at Muhammad.
Sinusuri nina non-playing team captain Martin Misa at coach Chris Cuarto ang sitwasyon ni Mamiit na ninombra na makasama ni Taino sa doubles. Kung hindi ito makakalaro, alinman kina Johnny Arcilla at Patrick John Tierro ang huhugutin upang ipalit kay Mamiit.
- Latest
- Trending