Hindi na magsasalita ang pamunuan ng National Collegiate Athletics Association (NCAA) ukol sa kaso ng San Beda College star player na si Yousif Aljamal.
Ngunit umaasa silang ganito rin ang gagawin ng San Beda matapos umusbong ang isyu na umabot sa korte matapos kumuha ng Temporary Restraining Order ang Red Lions upang pigilan ang naka-ambang pagsususpindi kay Aljamal.
Dahil sa utos ng korte, nagtungo ang mga opisyal ng NCAA sa pangunguna ng Policy board president Vincent K. Fabila ng host Jose Rizal University kasama ang mga abogado ng NCAA sa pangunguna ni Atty. Jose Manuel Diokno III upang ibigay ang kanilang posisyon at ebidensiya sa Manila RTC Branch 33.
“We are mandated by court to do so. Since it is with the court already, we cannot talk about the case. The NCAA hopes San Beda College will do the same,” ayon kay NCAA Management Committee chairman Paul Supan ng JRU.
Hinatulan ng pagkakasuspindi sa buong season si Aljamal matapos makibahagi sa PBA draft ngunit pinaigsi na lamang ito sa tatlong games ng NCAA.
Sinabi naman ni Supan na hindi na aabot pa sa pagkakansela ng season kung patuloy na ipagpipilitan ng San Beda ang pagkontra sa desisyon ng ManCom at ituloy ang mga laro habang hinihintay ang desisyon ng Manila Regional Trial Court ukol sa kontrobersyal na pagkakasuspindi ng Management Committee kay Aljamal.
Nakalaro si Aljamal noong Miyerkules matapos kumuha ang San Beda sa pangunguna ni president Fr. Mateo de Jesus, ng 72-hour Temporary Restraining Order (TRO), na napaso na kahapon, upang pigilan ang pagsisilbi ng suspensiyon kay Aljamal na kinuhang No. 8 pick ng Air21 ngunit ibinigay nila ito sa Talk ‘N Text. (Mae Balbuena)