Ang maging ikaapat na Filipino na tinanghal na world boxing champion.
Ito ang pangunahing hangarin ni Eriberto “Yukka” Gejon sa kanyang paghahamon kay World Boxing Association (WBA) minimumweight titlist Yutaka Niida ng Japan sa Setyembre 1 sa Tokyo.
”Parang second chance ko na ito para sa world championship kasi natalo ako noon kay Niida para sa WBA minimum-weight fight namin,” sabi kahapon ng 28-anyos na tubong Mandaue City na si Gejon, nagdadala ng 23-1-1 win-loss-draw ring record kasama ang 14 knockouts.
Sa kanyang kabiguang maagaw kay Niida, nagbabandera ng 21-1-3 (8 KOs) slate, ang suot nitong WBA crown sa kanilang laban noong Setyembre 25 ng 2005 sa Japan, hindi masyadong naging agresibo si Gejon.
“Marami rin kasi akong injury at that time. Sumasakit ‘yung likod ko kaya hindi ako gaanong makasuntok,” sabi ng Filipino challenger. “Ngayon, wala na akong injury at kondisyon na kondisyon ako. Sa palagay ko mas malaki ang chance ko ngayong manalo.”
Nakuha na rin ni Gejon ang kanyang visa mula sa Japanese Embassy at nakatakda nang magtungo sa Japan sa Sabado para sa kanilang rematch ni Niida.
Matagumpay na naidepensa ni Niida ang kanyang WBA minimum-weight belt sa nakaraan niyang dalawang sunod na laban, habang dalawang sunod na panalo naman ang pinagmulan ni Gejon.
Hangad ni Gejon na makahanay sina World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Gerry Peñalosa, International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight ruler Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. at IBF mini-mumweight king Florante “The Little Pacquiao” Condes. (RCadayona)