Mga dayuhang skaters nagparamdam na rin
Nagparamdam na ang mga foreign bets ngunit patuloy pa rin ang pananalasa ng mga local skaters sa 2007 Skate Asia sa SM Mall of Asia kahapon.
Tinalo ni Wu Yik Lam ng Festival Walk Glacier (FWG) Hong Kong ang mga pinapaborang mga kalabang Pinoy upang makopo ang gold sa 4-5 female Stroking Delta bago nito nakopo ang silver sa 4-6 female Surprising Delta habang nangibabaw naman ang kanyang kasamang si Chan Cheuk Tung sa malamig at madulas na Olympic-sized skating rink.
Nauna rito, nagsubi na ang 5-taong gulang na si Wu ng dalawang ginto mula sa 4-5 mixed team ensembles at 4-5 female stroking at dalawang silver medals sa 4-5 female Speed Racing at 4-5 female Solo Spotlight para maging top medal winner para sa FWG sa tournament na ito na sanctioned ng Ice Skating Institute of America.
Ang iba pang dayuhang nanalo ng gold ay sina Andika Fatharani ng Skyrink-Jakarta, Indonesia sa 4-6 mixed Surprise Pre-Alpha, Condrey Liu ng Fuji Ice Palace, Singapore sa 19-23 mixed Footwork 4, Sabrina Tso ng Husky Ice Palace sa 9-11 female Footwork 4 at Bai Yurong ng World Ice Arena, China sa 7 mixed surprise Freestyle 1.
Gayunpaman, patuloy pa rin sa pananalasa ang mga Pinoy skaters lalo na ang mga pambato ng SM Megamall skating rink, sa pagkopo ng 22 gold medals. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending