Tinitiyak ni Filipino fighter Rodel “Batang Mandaue” Mayol na hindi na siya magkakamali katulad sa kanilang laban ni Japanese Eagle Kyowa noong Hunyo 5 ng 2006.
“Alam ko na ‘yung mga nagawa kong pagkakamali sa laban namin noon ni Eagle Kyowa. Ngayon, puro tama na ang mga gagawin ko,” wika ng 25-anyos na si Mayol sa kanyang pagsagupa ngayon sa kaedad niyang si Ulises “Archie” Solis para sa International Boxing Federation (IBF) junior flyweight championship sa All State Arena sa Rosemont sa Illinois, USA.
Sa kanyang laban kay Kyowa, nabigong gamitin ni Mayol ang kanyang estratehiya na sinamantala ng Japanese para makaiskor ng isang unanimous decision at matagumpay na mai-depensa ang suot na World Boxing Council (WBC) minimumweight crown.
Kontra kay Solis, kumpiyansa si Mayol na maiuuwi niya sa Pilipinas ang IBF junior flyweight belt na dati nang hinawakan ni Filipino champion Tacy Macalos.
“Malaking inspirasyon din ‘yon na dati palang Pinoy ang may hawak nito,” ani Mayol sa IBF junior flyweight title. “Siyempre, gusto ko ulit na Pinoy ulit ang magsuot ng korona. At ako ‘yon.”
Ibabandera ni Mayol ang kanyang 23-1-0 win-loss-draw ring record, kasama rito ang 18 knockouts, habang dala naman ni Solis, nakababatang kapatid ni featherweight Jorge Solis na pinabagsak ni international super featherweight titlist Manny Pacquiao sa seventh round noong Abril 14 sa Alamodome, San Antonio, Texas, ang 24-1-2 (18 KOs).
“I want to avenge the defeat of my brother to a Filipino boxer. This will be an exciting fight and I hope I will win this,” sabi ni Solis.
Bukod kay Mayol, magtatangka rin si Bernabe Concepcion na makuha ang North America Boxing Federation (NABF) super bantamweight belt laban kay Gabriel Elizondo.
“Magiging maganda ang laban namin dahil magaling din naman siya at pareho naming gustong makuha ang NABF title,” ani Concepcion.
Haharapin naman ni Filipino bet Mercedito Gestas si Carlos Madrid sa isang six-round lightweight bout.