Mayol, nainip na sa kanyang laban
”Talagang maganda ang preparasyon ko at nasa maganda na akong kondisyon para sa laban namin ni Solis,” wika kahapon ng 25-anyos na si Mayol sa ka-edad niyang si Solis, nakababatang kapatid ni featherweight Jorge Solis na pinabagsak ni international super featherweight champion Manny Pacquiao noong Abril 14.
Pag-aagawan nina Mayol at Solis sa Linggo (Manila time) ang junior flyweight crown ng International Boxing Federation (IBF) na dati ring hina-wakan ni Filipino warrior Tacy Macalos.
Ibabandera ni Mayol, kilala bilang “Batang Mandaue”, ang 23-1-0 win-loss-draw ring record, kasama na rito ang 18 knockouts, habang iaakyat naman ni Solis ang kanyang 24-1-1 (18 KOs) card.
”Alam kong maganda ang bitaw ng kaliwa niya, kaya nga ‘yon ang pinaghahandaan namin ni coach Kenny Adams,” sabi ni Mayol. “Sa tingin ko naman magiging maganda ang laban ko sa kanya.”
Kabilang sa mga tinalo na ni Solis ay sina dating world champions Jose Antonio Aguirre (34-6-1, 20 KOs), Will Grigsby (18-4-1, 7 KOs), Erik Ortiz (26-6-1, 17 KOs) at Edgar Sosa (28-5-0, 14 KOs), tumalo kay Filipino Brian Viloria sa huling laban nito. Ang Mayol-Solis IBF junior flyweight championship ay nasa undercard ng banggaan nina three-division titlist Erik Morales (48-5-0, 34 KOs) at World Boxing Council (WBC) lightweight king David Diaz (32-1-1, 17 KOs).
Bukod kay Mayol, nasa undercard rin sina Bernabe Concepcion at Mercedito Gestas na lalaban para sa North America Boxing Federation (NABF) super bantamweight title at sa isang six-round super featherweight bout, ayon sa pagkakasunod.
- Latest
- Trending