Letran, JRU lumakas ang tsansa sa F4
Kapwa kinuha ng nangungunang Letran College at ng host Jose Rizal University ang kani-kanilang pangatlong su-nod na panalo para palakasin ang tsansa sa Final Four.
Naglista si power forward Schubert Reposar ng 12 puntos at 8 rebounds para sa 63-56 panalo ng Knights sa University of Perpetual Help-Dalta System Altas, habang humakot naman si James Sena ng 16 marka at 16 boards upang ibigay sa Heavy Bombers ang 69-61 tagumpay laban sa Mapua Cardinals sa second round ng 83rd NCAA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan.
Ang itinalang three-game winning streak ng Letran ang nagbigay sa kanilang 7-1 kartada para solohin ang pamumuno sa itaas ng nagdedepen-sang San Beda (6-1), Jose Rizal (4-3), five-time champion San Sebastian (3-3), Perpetual (2-5), Mapua (2-6) at St. Benilde (1-6).
Makaraang maiwanan sa first quarter, 9-13, umarangkada naman ang Knights sa third quarter matapos itarak ang 29-19 abante mula sa tres ni Lester Del Rosario bago nakadikit ang Altas sa 35-39 sa huling dalawang minuto nito.
Ikinasa ng 2005 NCAA champions ang pinaka-malaki nilang lamang sa 12-puntos, 50-38, buhat sa tres ni rookie Anjoe Latonio sa 8:28 ng final canto bago nakalapit muli ang Perpetual sa 55-59 agwat galing sa tres ni Mike Kong sa huling 58.2 segundo nito.(Russell Cadayona)
- Latest
- Trending