3 Pinoy pugs may laban sa US

Tatlong Filipino fighters ang magta-tangkang makapagbigay ng karangalan para sa Pilipinas sa Agosto 5 (Manila time) sa All State Arena sa Rosemont, Illinois, USA. 

Sasagupain ni Rodel Mayol si Ulises Solis ng Mexico para sa International Boxing Federation (IBF) junior flyweight crown, habang lalabanan naman ni Ber-nabe Concepcion si Gabriel Elizondo para sa North America Boxing Federation (NABF) super bantamweight title at haharapin ni Mercito Gesta si Carlos Madrid sa isang six-round lightweight bout. 

Ang laban nina Mayol, Concepcion at Gesta ay tatayong undercard sa inaabangang paghahamon ni three-division champion Erik Morales kay World Boxing Council (WBC) lightweight titlist David Diaz. 

Ibabandera ni Mayol ang 23-1 win-loss ring record kasama ang 18 knockouts kumpara sa 24-1-2 (18 KOs) ni Solis, nakababatang kapatid ni Jorge Solis na pinabagsak ni WBC International super featherweight king Manny Pacquiao sa seventh round noong Abril 14 sa Alamodome sa San Antonio, Texas. 

“Handang-handa na ako sa laban na ito dahil pagkakataon ko na ito para makapagbigay ng karangalan sa bansa natin,” wika ng 25-anyos na si Mayol. 

Hangad ni Mayol, tubong Alang-Alang, Mandaue City, ang kanyang kauna-unahang world title matapos na ring mabigo kay Japanese Eagle Kyowa via unanimous decision sa kanilang WBC minimumweight championship noong June 5 ng 2006 sa Tokyo, Japan. 

Bago harapin si Solis, nanggaling si Mayol sa isang first round KO kay Japanese Masatsugu Okawa noong Oktubre 18 ng nakaraang taon sa kanilang 8-round bout.

 Personal na makakasama nina Mayol, Concepcion at Gesta sina Morales at Diaz sa Huwebes (Manila time) para sa ”The Run With The Champions” na magpaparada sa kanila sa Chicago Hilton Hotel hanggang sa Grant Park. (Russell Cadayona) 

Show comments