Sino ang kukuning No. 1 pick ng Welcoat?

Malaking dilema para kay Welcoat Paints coach Leo Austria kung sino ang kanilang pipiliing top rookie pick sa nakatakdang PBA Rookie Draft sa Market Market sa Taguig sa Agosto 19.

Ang Paint Masters ang unang pipili mula sa hitik na hitik sa talentong 47-man Draft pool.

Nauna nang nakatuon ang Welcoat sa pagkuha sa 6-foot-10 center na si Samigue Eman ngunit marami pang ibang magagaling na puwedeng kunin sa draft. 

Ayaw ding magsalita ng co-owners na sina Raymund Yu at Terry Que .

“We’re still looking for someone who we think is best suited for the team,” ani Yu.

“Maraming pagpipilian so dapat ma-evaluate ng husto,” sabi naman ni Que.

Naglaro si Eman, katag-team ni Peter June Simon sa University of Mindanao noong 2000, ay naglaro sa Henkel-Sista, ang sister team ng Welcoat sa Philippine Basketball League (PBL) sa nakaraang dalawang season.

Naririyan ang UAAP Most Valuable Player (MVP) na si Ken Bono na naging susi para makarating sa Final Four ang Adamson sa 2005-06 season at key player din sa runner-up finish ng Cebuana Lhuillier sa nakaraang PBL Unity Cup.

Naririyan din ang Fil-Am big man na si Joe Devance at Ateneo Blue Eagles stalwart John Christopher Intal na maganda rin ang ipinakita sa PBL.

Ang slam-dunking forward na si Intal ang key player sa runner-up finish ng Ateneo sa UAAP noong nakaraang taon at sa tagumpay ng Harbour Centre sa PBL Unity Cup Finals.

Bagamat tinanggap ang application ni Devance, makakasama lamang ito sa draft pool kung maibibigay niya ang confirmation mula sa Department of Justice bago matapos ang buwang ito. Ang iba pang prospects ay sina Jojo Duncil at Fil-Am guard Ryan Reyes ng Henkel Sista. (MB)

Show comments