CABANATUAN, Nueva Ecija — Lumipas na ang 10 taon nang huling magkampeon si Victor Espiritu.
Nawala at nagbalik na sa kalye ang tour, kumarera at nawala rin sa eksena ang 1996 Tour Champion ngunit nagbabalik ito ngayon matapos ang ilang taong pagpapaubaya.
Hangad ng Wow Magic Sing team captain na si Espiritu na makabalik sa dating glorya sa pinaka-aabangang karera ng bansa at ipinaramdam niya ito nang kunin niya ang overall individual leadership sa 2007 Padyak Pinoy na hatid ng Tanduay sa pakikipagtulungan ng Wow Magic Sing at Air21.
Inagaw ni Espiritu ang yellow jersey mula kay Frederick Feliciano ng Vellum Team kahapon matapos ang 119.7 kilometrong Quezon City to Cabanatuan Stage 2 na pinagwagian ni Ericson Obosa ng Bacchus team.
“Nagulat ako,” wika ni Espiritu na huling kumarera noong 2004. “Dahil nandyan na, aalagaan ko na ito kung hanggang saan ko kaya.”
Pinangunahan ni Obosa ang bulto ng 25 siklistang tumawid ng finish line sa Plaza Capitol ng bayang ito na may pare-parehong oras na 2-oras, 49-minuto at 16 segundo para sa P5,000 stage prize nang talunin niya sa rematehan sina Baler Ravina ng Cool Pap at Espiritu bilang third at second place.
Nagkaroon ng semplangan papasok sa huling 50 metro ng finish line na sinamantala ng mga top finishers na tumahak ng mabako at masikip na kalye sa Bulacan.
“Puro sprinter kami sa unahan kaya nung nagkaroon ako ng pagkakataon, sinamantala ko na,” wika naman ni Obosa na kumopo ng kanyang ikatlong lap win.
Matapos ipasok ang mga bonus time para sa top three placers, ang runner-up sa prologue kamakalawa na si Espiritu na ang bagong overall leader sa kanyang total time na 2:53.17, may tatlong segundong kalamangan kay Feliciano, ang winner ng Stage 1.
“Maganda na rin na nawala sa akin ang yellow jersey kasi mahirap dalhin,” sabi naman ni Feliciano. “Nadala na kasi ako dahil tuwing hawak ko ang yellow jersey, nauubos ako pagdating ng kalagitnaan ng tour sa kakadepensa. At least ngayon makakagawa ako ng diskarte ko.”
May 4 segundo layo sa overall individual standings kung saan pinaglalabanan ang P50,000 na premyo si Obosa at Alvin Benosa ng U-Freight.
May limang segundo distansiya naman ang defending champion na si Santy Barnachea katulad ng 2004 champion na si Arnel Quirimit ng Mail & More.
Isusuot ni Espiritu ang yellow jersey sa pagtahak ng ikatlong stage na may 144 distansiya mula sa bayang ito patungo sa Alaminos, Pangasinan. (Mae Balbuena)