Umiskor si Bautista ng isang unanimous decision kontra kay Sergio Manuel Medina ng Argentina sa kanilang eliminator para makasagupa si World Boxing Organization (WBO) super bantamweight champion Daniel Ponce De Leon ng Mexico.
Dalawang beses pinabagsak ng 20-anyos na tubong Candijay, Bohol ang 25-anyos na si Medina sa 6th at 11th round upang kalimutan ang ibinilang sa kanyang standing eight count ni referee Robert Byrd sa 7th round buhat sa isang right cross ng Argentine fighter.
"Medyo nasaktan ako doon pero hindi ko na inisip, basta ang ginawa ko tinibayan ko lang ang loob ko," paliwanag ni Bautista, may 23-0 win-loss ring record ngayon kasama ang 17 KOs kumpara sa 28-1 (22 KOs) ni Medina.
Sa katapusan, nakatanggap si Bautista ng 116-108 kay Dave Moretti, 115-109 kay Paul Smith at 115-109 kay CJ Ross laban kay Medina.
Sa panalo ni Bautista, inaasahang paplantsahin na ng Golden Boy Promotions ang kanilang world super bantamweight championship fight ng 26-anyos na si Ponce De Leon, tumalo kay Gerry Peñalosa noong Marso 17.
"Boom Boom can really be another world champion from the Philippines," wika ni Oscar Dela Hoya ng Golden Boy. "He has the talent, the strength and the right attitude to be one of the best super bantamweight fighters today."
Isang eight-round unanimous decision naman ang nasuntok ng 18-anyos na si Banal laban kay Alberto Rosas ng Mexico sa kanilang non-title super flyweight bout sa likod ng kanyang nakuhang 78-73, 78-73 at 76-75 puntos buhat sa mga hurado.
Itinaas na ni Banal ang kanyang kartada sa 13-0-1, habang may 25-3 naman si Rosas, nasa ilalim ni dating world super featherweight titlist Marco Antonio Barrera. (R. Cadayona)