Una sa lahat, ang Suns ang highest-scoring team sa buong NBA. Pito sa sampung pinakamatataas ang iskor sa liga ay nasa playoffs: Phoenix (1st), Golden State (2nd), Denver (3rd), Washington (4th), Lakers (5th), Utah (7th) at Dallas (9th). Ang Phoenix ay umiskor ng di mababa sa 100 points 68 ulit, at naipanalo ang 53, o 78 porsyento nito. Sumusunod ang Denver, Utah at Dallas.
May iba pang nagsabi na hindi pang-playoffs ang estilo ng Suns. Nalimutan na ba nila ang playoffs ng 2006? Ilang ulit na nanunumbalik ang Suns laban sa Los Angeles Lakers, kahit wala si Amare Stoudemire. Mas angkop yatang sabihin ang ibang koponan ang nahihirapan sa Suns, hindi ang kabaliktaran.
Pangatlo, sino pa ba ang makakatapat sa West? Palalambutin ng Golden State ang Dallas (anim na ulit nang natalo ang Mavs sa maliliit na Warriors). Kung nagkaharap ang Suns at Mavs, tagilid ang Dallas. Ang kanilang rekord ay 11 panalo at 11 talo laban sa team na umiiskor ng higit sa 100 puntos bawat laro. At napatunayan na ng Phoenix na kaya nilang talunin ang Dallas sa sarili nilang homecourt.
Kung San Antonio naman ang pag-uusapan, malabong maulit pa nila ang pagpigil sa iskoring ng Suns sa mababa sa 100, gaya ng ginawa nila noong regular season. At unti-unti nang humihina ang laro ni Tim Duncan, at lumalaki ang pangangailangan ng suporta. Kung Cleveland naman ang makakalaban, winalis sila ng Suns sa regular season, sa tonong 115 points per game.
Sa East, marami ang nagsasabing Detroit ang mangingibabaw. Pero mas maganda ang record ng Suns, kaya, sila ang may tangan ng homecourt advantage. Kailangan ng Detroit na gumawa ng malaki sina Chauncey Billups, Rip Hamilton, Rasheed Wallace at pati si Tayshaun Prince, para lang pumantay sa Phoenix. Sa madaling sabi, mahirap gawin.
Kung malulusutan ng Phoenix ang Dallas sa West, sa tingin ko, sila na ang maghahari sa NBA.