Beach football, kumakalat

Kasalukuyang ginaganap sa Subic Bay beachfront ang Luzon eliminations ng National Beach Football Cham-pionships.

Sa susunod na linggo, gaganapin naman sa San Carlos, Cebu ang Visayas at Mindanao eliminations. Sa unang weekend ng Mayo naman gagawin sa Boracay ang National Finals sa Boracay.  

Malaking torneo ito, dahil dumarami na ang sinasalihan nating mga international tournaments. Ang tanging nagiging problema lang ay ang kakulangan ng pondo at ng paghahanda. Pero marami na rin tayong ginugulat na bansang mas may karanasan sa atin sa sport na ito.

Halos isang dekada pa lang nating nilalaro ang beach soccer, na ilang dekada nang libangan ng mga taga-Brazil. Maraming malaking nangyayari sa beach soccer. Ang pinakamahalagang kaganapan ay ang paglahok natin sa bidding para sa 2008 at 2009 Beach Soccer World Cup.

Iilan pa lamang ang bansang sumasali, at isa na ang Pilipinas sa kandidato sa pagiging punong-abala. Mabilisang rumesponde ang world governing body sa ating liham. Sa susunod na buwan malalaman ang resulta ng ating bid. Kung matuloy tayo, magpapadala ang mga organizer ng inspection team dito, upang siyasatin kung aling lugar ang pinakamaganda.

Sa ngayon, pinag-iisipan ng Beach Football Association of the Philippines ang tatlo o apat na lugar, kabilang ang Boracay (bagamat baka kapusin ang lapad ng puwestong kailangan), ang gilid ng SM Mall of Asia, o ang Cebu. 

"We really want to be able to show the world the beauty of the Philippines," ayon kay Mika Athab, pangulo ng BFAP at vice-president ng Philippine Football Federation. "Once they come here, I’m sure they will realize how big the sport can be here." 

Ayon kay Athab, kung mahirang ang Pilipinas na host country, maging ang stadium ay pira-pirasong dadalhin dito, at walang gagastusin ang bansa sa paghahanda. Tatanggapin na lamang natin ang libu-libong mga dayu-hang darating para lumahok at manood. 

"Tourism will benefit a lot, and the visiting teams will see how warm and friendly Filipinos are," ayon kay Athab, isang beteranong coach na nagdala ng beach soccer sa Pilipinas. "Once they get here, they will keep on coming back. I’m sure of it." Nagpapasalamat ang BFAP sa San Miguel Beer, Legenda Hotel, SBMA at ABS-CBN News Channel.

Show comments