Noong nakaraang linggo pa nakuha ng Mavs ang franchise-record 64 na panalo, ay ipinapahinga pa ng coach nilang si Avery Johnson si Dirk Nowitzki at Jerry Stackhouse sa sumunod na road game. Idinagdag pa nila ang 44 taong gulang na si Kevin Willis, para lang tumibay ang loob nila.
Subalit, sa West pa lamang, mahihirapan ang Mavericks. Una, marami silang matitinding maka-katapat sa simula ng playoffs. Isipin na lang natin, naririyan ang San Antonio Spurs, Los Angeles Lakers at higit sa lahat ang Phoenix Suns.
Sa tatlo, baka pinakamadali ang Lakers, dahil sunud-sunod ang injuries na tumama dito at binabawi na lamang nila sa opensa ni Kobe Bryant. Kung hindi mabubuo ang Lakers sasagasaan lang sila ng Mavericks .
Sa dami ng sandata sa opensa, sa match-up pa lamang ay lugi na ang LA.
Mas matindi ang San Antonio Spurs, dahil bawat puwesto ay solid. Hindi matatawaran ang karanasan sa playoffs at maging sa international competition nila sina Tim Duncan, Manu Ginobili at Tony Parker. Pero baka magkatalo sa bench. Sa tingin ko, lulusot pa rin ang Mavs.
Pero nakakaintriga ang paghaharap nila ng Phoenix Suns. Dalawang beses nilang tinalo ang Mavericks sa Dallas at kuhang-kuha nila ang laro ng Mavs dahil nagmula doon si two-time NBA MVP na si Steve Nash. Pero may mga nagsasabing hindi pang playoffs ang style ng Suns na takbo ng takbo.
Noong nakaraang taon, hindi malusog si Amare Stoudemire. Ngayon, hindi naman siya maawat. Kaya kumpiyansa ang All-Star na makakatuntong sila sa finals, habang pinagtatalunan pa kung sino ang dapat tanghaling MVP--kung si Nash o ang kaibigang si Nowitzki.
Sa ganang akin lang, matitisod ang Mavericks, dahil hindi pa nila napapatunayan na kaya nilang malampasan ang Suns sa taong ito. At mabubugbog sila sa mga pagdadaanan nila sa Western conference. Tandaan nating mas mabagal at mas pisikal ang playoffs, at baka hindi na umubra ang jump-shooting ng Mavericks.
Kung ako ang tatanungin, ang Phoenix Suns ang magwawagi sa West.