Pangarap ni Bautista malapit nang matupad

Mukhang mapapabilis ang kasagutan sa panalangin ni Filipino super bantamweight sensation Rey "Boom Boom" Bautista. 

Ito ay matapos na ring ipaalam kahapon ng World Boxing Organization (WBO) kay Mexican Daniel Ponce De Leon na ihanda ang sarili para muling ipagtanggol ang kanyang suot na super bantamweight crown laban sa isang mandatory challenger. 

Ang naturang mandatory challenger ng 26-anyos na si Ponce De Leon ay opisyal na malaman sa Mayo 5 matapos ang eliminator sa pagitan ng No. 1 na si Bautista at ng No. 2 na si Sergio Manuel Medina ng Argentina.

 "Okay sa akin iyon, basta makalaban ko lang si Ponce De Leon talagang ibibigay ko na ang lahat ng nalalaman ko sa boxing," gigil na wika ng 20-anyos na si Bautista, kasalukuyang sinasanay ni Freddie Roach sa Puerto Rico kasabay sina world junior middleweight champion Oscar Dela Hoya at Filipino light flyweight AJ Banal. 

Matagumpay na naidepensa ni Ponce De Leon ang kanyang WBO super bantamweight title matapos talunin ang 34-anyos na si Gerry Peñalosa via unanimous decision noong Marso 17 sa Las Vegas, Nevada. 

 Ang super bantamweight eliminator nina Bautista, may 22-0 win-loss record kasama ang 17 knockouts, at Medina, nagbabandera ng 28-0 (16 KOs), ay isa sa undercards ng upakan nina Dela Hoya at Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 5 sa MGM Grand sa Las Vegas.

"Alam kong mahina ang bodega ni Medina, kaya doon ko talaga siya pupuntiryahin," plano ni Bautista sa kanilang banggaan ng 28-anyos na Argentine fighter. Ang mananalo sa pagitan nina Bautista at Medina ang siyang hahamon kay Ponce De Leon, iniwasan na ang isang rematch kay Peñalosa. (Russell Cadayona)

Show comments