Ito ang pahayag kahapon ni World Boxing Council (WBC) president Jose Sulaiman kaugnay sa dapat plantsahin ng Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya mula na rin sa pag-agaw ni Marquez ng dating suot na WBC super featherweight crown ni Barrera kamakailan.
Matapos ang naturang tagumpay ng 33-anyos na si Marquez sa 33-anyos ring si Barrera, sinabi ni Golden Boy Chief Executive Officer (CEO) Richard Shaeffer na itinakda na ng HBO ang rematch ng dalawang Mexican fighters sa Setyembre 15.
Ayon kay Sulaiman, bilang No. 1 contender, ang 28-anyos na si Pacquiao ang dapat munang sagupain ni Marquez para sa kanyang unang title defense.
"Rules are rules, and definitely state that there must be a mandatory defense, and we are going to push for that," ani Sulaiman. "The next fight for Juan Manuel Marquez will be against Manny Paquiao, if Manny defeats Jorge Solis."
Nakatakdang ipagtanggol ni Pacquiao, iniskuran ni Marquez ng draw sa kanilang featherweight fight noong Mayo ng 2004 sa Las Vegas, Nevada, ang kanyang WBC International super featherweight title kay Mexican featherweight Jorge Solis sa Abril 14 sa Alamodome sa San Antonio, Texas.
"Golden Boy is doing well by trying to have a fight that will attract the people. But you know Pacquiao is also a very attractive fight, and the WBC will support the (Marquez vs. Barrera) rematch, but first, we have to defend the rules," ani Sulaiman.
Binigyan rin ng WBC chief si Marquez ng dalawang linggo upang pag-isipan kung ano sa hawak na WBC super featherweight crown o WBO featherweight belt ang kanyang itataya.
Maaayos lamang ang Marquez-Pacquiao rematch kung mananalo sa kaso ang Golden Boy kontra sa Top Rank Promotions ni Bob Arum hinggil sa kung sino ang dapat tumayong promoter ni "Pacman". (RC)