Pagulayan at iba pang Pinoy stars paparada

Babanderaan ni Alex Pagulayan, na idedepensa ang kanyang korona, sa pagsargo ng 2nd BSCP National Pool Championships na ihahatid ng San Miguel Beer sa Marso 26-31 sa Ninoy Aquino Stadium.

Magbibigay ng matinding hamon kay Pagulayan ay ang mainit na si Ronnie Alcano, na makaraang magkampeon sa World 9-Ball Championship sa Manila noong Nobyembre 2006, ay agad nagpakitang-gilas ng isa pang maningning na laban sa katatapos na World 8-Ball Championship sa Fujairah, United Arab Emirates.

Kabilang sa maghahamon si Dennis Orcollo, 2006 World Pool League champion, at runner-up sa World 8-Ball, na siya ring kinikilalang Money Game King ng bansa.

Hindi rin pahuhuli sina Antonio Gabica, gold at silver medalist sa Doha Asian Games, Lee Van Corteza, All-Japan championship titlist, Antonio Lining, na defending champion sa ginaganap na Japan Open, Rodolfo Luat at Ramil Gallego na nagwagi sa Asian Pool tour noong nakaraang taon, Roberto Gomez na nagwagi ng titulo sa Oslo, Norway at ang katatapos na Manny Pacquiao Pool Championship sa General Santos City at Warren Kiamco na paborito rin laban sa mga tituladong cue artists na bansa na kapapanalo lamang sa US Bar Table Championship sa 8 ball at 9 ball sa Las Vegas kamakailan lamang.

Nakataya sa torneong ito bukod sa titulong RP champion ang halagang P500,000 cash prizes hanggang 16th places at apat na slots sa 2007 World Pool championship na muling titirada dito sa bansa sa Nobyembre.

Ito ang ilan lamang sa mga bigating Pinoy pool players na magpaparada ng kanilang husay sa larangan ng billiards.

Show comments