Sana naman ay may dalang suwerte ang kanilang bagong import na si Paul McMillan.
Ipaparada ng San Miguel ang kanilang bagong import na si McMillan sa kanilang pagharap sa Coca-Cola sa unang provincial game ng Talk N Text PBA Fiesta Conference sa Lanao City.
Alas-6:00 ng gabi ang sagupaan ng Coke at Beermen sa Mindanao Civic Center.
Bago pa lang magsimula ang kampanya sa season ending conference na ito, nasira na ang diskarte ng Beermen dahil nawalan sila ng coach na si Chot Reyes na nagbalik sa kanyang obligasyon sa national team.
Kasunod nito ay nalagasan sila ng key players na sina Danny Seigle at Dondon Hontiveros na napili sa national team ni Reyes na inaasahang magbabalik sa bansa sa mapa ng Olimpiyada.
Isa namang dagok ang nilunok ng Beermen dahil hindi pumasa sa height ceiling ang kanilang unang import na si Kelly Whitney.
Umaasa silang may dalang pag-asa si Vidal Massiah ngunit taliwas ito sa lahat ng kanilang inaasahan dahil matapos itong magdebut ng 11-puntos, imbes na mag-improve ay mas lalong nakakadismaya ang kanyang ikalawang laro nang mabokya ito.
Umaasa ang Beermen na maibabaon nila sa limot ang 84-102 pagkatalo kontra sa Red Bull at ang mas nakakahiyang 78-88 pagkatalo sa Air21.
At ang lahat ng responsibilidad ay nasa balikat ngayon ni McMillan, isang beterano sa Continental Basketball Association.
Si McMillan ay dumating kahapon dito sa bansa upang isalba ang kampanya ng Beermen na kasalukuyang nasa ilalim ng standings.
Pumasa na si McMillan sa 6’6 height ceiling matapos masukatan ng 6’5 1/6.
Makakatapat ni McMillan ang pambato ng Tigers na si Anthony Johnson na maganda ang ipinakita sa kanyang unang tatlong laro ngunit nauwi lamang sa wala ang kanyang huling 39-point performance matapos malasap ng Tigers ang 87-102 pagkatalo sa Talk N Text nitong Miyerkules.
Ang Coke ay kasalukuyang nakikisalo sa Alaska sa 2-1 win-loss slate sa likod ng nangungunang Red Bull na may 3-0 record at Air21 na may 2-0 kartada.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Sta. Lucia at Purefoods na parehong nais makabangon sa kulelat na posisyon bunga ng dalawang sunod na talo at susundan ito ng laban ng Ginebra (0-1) at Welcoat (1-1). (Mae Balbuena)