Sa isang pulong sa General Santos City kamakailan, kinumpirma ng 28-anyos na si Pacquiao na itutuloy niya ang paglaban sa kinakapatid na si Rep. Darlene Antonino-Custodio para sa Congressional seat sa eleksyon sa Mayo.
"Medyo nagdalawang isip nga ako kung tatakbo pa ako (sa pulitika), pero gusto talaga ng mga kababayan ko na lumaban ako," sabi ni Pacquiao.
Nauna nang inihayag ni Manila City Mayor Lito Atienza na aatras na si "Pacman" sa kanyang kandidatura upang pagtuunan ng pansin ang kanyang laban kay Mexican Jorge Solis sa Abril 14 sa Alamodome sa San Antonio, Texas.
Idedepensa ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Council (WBC) International super featherweight crown laban kay Solis.
Ayon kay Pacquiao, nakipag-usap na siya sa mga barangay chairman sa South Cotabato para humingi ng basbas para sa kanyang kandidatura.
Nakatakdang magtungo si Pacquiao sa United States sa Miyerkules para personal na bigyan ng suporta ang kanyang kumpareng si dating world super flyweight Gerry Peñalosa na maghahamon kay Mexican Daniel Ponce De Leon sa Marso 17 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Sabay sina Pacquiao at Peñalosa na sinanay ni trainer Freddie Roach sa Wildcard Boxing Gym sa Hollywood noong nakaraang taon. (RCadayona)