Hawks sunog sa Heat

MIAMI--Kumana ang Heat ng above .500 sa kauna-unahang pagkakataon, sa loob lamang ng halos apat na buwan upang iposte ang 88-81 tagumpay laban sa Atlanta Hawks sa NBA noong Lunes ng gabi.

Umiskor si Eddie Jones ng 14 mula sa kanyang season-high 21 puntos sa final canto at nag-ambag naman si Shaquille O’Neal ng 14 puntos at siyam na rebounds sa bisperas ng kanyang ika-35th kaarawan upang trangkuhan ang Heat sa kanilang panalo.

Umasinta si Jones ng 3-pointer upang pasimulan ang game-deciding 13-2 run may 5 minuto na lamang ang nalalabi sa final period upang ilista ng Heat (30-29) ang kanilang panalo.

Sa Auburn Hills, Michigan, tumipa si Jason Richard-son ng season-high 29 puntos sa harapan ng kanyang home fans upang tulungan ang Golden State Warriors na wakasan ang kanilang six-game losing streak sa bisa ng 111-93 panalo laban sa Detroit Pistons.

Sa Orlando, Florida, nagposte si Hedo Turkoglu ng season-high 25 puntos at nagdagdag naman si Trevor Ariza ng 20 puntos, habang kumana si Dwight Howard ng 10 puntos at siyam na rebounds para sa Magic na winakasan rin ang kanilang tatlong sunod na pagkatalo matapos ang 99-81 tagumpay laban sa Milwaukee Bucks.

Gumawa ang Orlando ng 24 fastbreak points kumpara sa lima lamang ng Milwaukee, na natalo rin sa overtime game noong Linggo sa kanilang bakuran laban sa Chicago.

Samantala, inaresto si Sacramento Kings forward Ron Artest noong Lunes at hindi muna ito makakalaro sa koponan matapos na idemanda ng isang babae na umano’y kanyang sinaktan sa loob mismo ng kanyang tahanan at binalaan na makatawag ng pulis.

Ayon sa Placer Country sheriff’s authorities, sinabi ng babae na siya at si Artest ay nagtatalo sa loob ng kanilang tahanan noong Lunes ng umaga ng siya ay itulak ng cager. At ang kanilang pagtatalo ay humantong hanggang sa labas ng bahay nang tangkain ni Artest na umalis sa kanyang Hummer, dito na nagkaroon ng tulakan at batuhan.

Show comments