Sa pagbubukas ng PBA Fiesta Cup sa Cuneta Astrodome ngayon, magsisimula na rin ang botohan para sa North at South teams.
Gaganapin ang All-Star Week sa taong ito sa San Fernando, La Union at Baguio City mula April 25-29.
Ang All-pro team na isasabak sa Southeast Asian Basketball Association (SEABA) championships at FIBA-Asia Olympic qualifier ay sina Asi Taulava, Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand, Danny Seigle, Rudy Hatfield, Jimmy Alapag, Tony dela Cruz, Dondon Hontiveros, Mick Pennisi, Ranidel de Ocampo at Kerby Raymundo.
"The PBA All-Star game is just around the corner, and we’re calling on all basketball fans to vote and determine for themselves the players who will make up the starting fives of both the North and South squads," pahayag ni commissioner Noli Eala.
Idinagdag ni Eala na maaaring bumoto ang mga fans sa emails, sms at sa mga venues.
Sina Barangay Ginebra coach Jong Uichico at si Reyes na coach ng Philippine Cup finalists na San Miguel ang magko-coach ng dalawang All-Stars selection.
Sa Baguio gaganapin ang three-point shootout, slamdunk contest at ang regular All-Star game habang sa La Union naman paglalabanan ang skills events at Rookie Blitz game.
Noong nakaraang taon, naungusan ng South ang North, 122-120, sa Cagayan de Oro City sa kabayanihan ni Roger Yap ng Purefoods na nagsagawa ng dalawang crucial rebounds at free throw sa huling limang segundo ng labanan tungo sa kanilang tagumpay.
Si Asi Taulava ang tinanghal na Most Valuable Player (MVP) sa ikalawang pagkakataon matapos magtala ng game-high 30 points at bagong All-Star record na 16 rebounds. (Mae Balbuena)