Harbour Centre sa SEABA?

Grand Slam ang pupuntiryahin ng Harbour Centre sa susunod na torneo ng Philippine Basketball League. Ito’y matapos na maisubi ng Port Masters ang kanilang ikalawang sunod na titulo nang talunin nila ang Hapee Toothpaste sa Finals ng nakaraang PBL Silver Cup.

Magugunitang tinalo din nila ang Toyota Otis para sa kanilang kauna-unahang titulo sa PBL Unity Cup.

Kung maisasakatuparan ng Harbour Centre ang ambisyong Grand Slam, makakasama nila ang mga koponang kagaya ng Stag Beer at Welcoat Paints na nakapagtala ng ganitong achievement.

Ang dalawang teams na ito ay umakyat sa Philippine Basketball Association na siyang next step para sa isang koponang naging dominant sa PBL. Pero teka, sa isang salu-salo kung saan nakasama ang ilang sportswriters, sinabi ni Harbour Centre team owner Mikee Romero na handa rin niyang isa-isangtabi ang pangarap na Grand Slam kung para sa bayan ang magiging kapalit.

Ano ang ibig sabihin nito? Kasi nga’y medyo nagkaka-gulo kung anong klaseng team ang ipadadala natin sa Southeast Asian Basketball Association Championship sa Mayo.

All-pro team ba o may halong amateurs? O purong amateur team na lang.

May nagsasabi kasi na baka "overkill" ang mangyari kung all-pro team ang ipadadala kasi daw, kaya naman ng isang all-amateur team o ng isang collegiate selection ang laban sa SEABA. Pero handa ang PBA na magpadala ng all-pro team dahil sa nais nitong makasiguro na uusad tayo sa FIBA Asia men’s tournament na qualifying event para sa 2008 Beijing Olympics.

Agad namang bubuuin ng PBA ang all-pro team at hindi na makapaglalro ang mga mapipiling players sa susunod na Fiesta Cup.

Ito ang isasakripisyo ng PBA. At para punuin ang mga nabakanteng puwesto ay ang pagpapatupad ng apprentice-ship program ang PBA at aanyayahan ang ilang piling amateur players.

Ang siste’y maaapektuhan naman ang mga amateur at commercial leagues sa apprenticeship program na ito kung kaya’t baka magkaroon pa ng hindi pagkakaunawaan.

Para maiwasan ito, ino-offer nga ni Romero ang buong Harbour Centre. Tutal nga naman ay intact ang team at galing sa championship. Malakas din naman ang Port Masters at wala nang adjustments na kailangang gawin.

Magandang gesture ito buhat kay Romero. Pero papa-yag ba ang PBA? Sa tutoo lang, marami naman talagang gustong tumulong upang maibalik ang glory days natin sa basketball. Genuine unity lang talaga ang kailangan sa puntong ito.
* * *
CONGRATULATIONS kay Angela Grencio na nagsi-lang ng isang malusog na anak na lalaking si Sean Anthony noong Pebrero 12.

Show comments