Nakamit din sa wakas ni Castro ang pinaka-asam-asam na MVP title matapos nitong bitbitin sa finals ang Hapee-Philip-pine Christian University at magningning sa PBL Silver Cup.
Iginawad kay Castro ang MVP trophy sa PBL Achievement awards kahapon bago magsi-mula ang Game-Three ng titular showdown ng Harbour Center at Hapee-PCU sa The Arena sa San Juan.
"I’m deeply honored for being named MVP of the tournament, this is very special for me," wika ng 20-gulang na si Castro. "My perseverance and hardwork finally paid off."
Pumangalawa lamang si Castro kay Jojo Tangkay noong 2006 Heroes Cup MVP derby, ikaapat sa Unity Cup na pinagwagian ni Joe Devance ng Toyota Otis at natalo rin kay Nigerian center Sam Ekwe sa NCAA.
Lumikom si Castro ng kabuuang 579.42 points upang igupo ang 6-foot-6 center na si JR Quiñahan ng Mail &More at si Marvin Cruz ng Toyota Otis.
Pinangunahan ni Castro ang players at media votes sa kanyang 119.13 at pumangalawa sa stats sa kanyang 460.29.
"I have to thank my teammates, my coaches and Mr. Cecilio Pedro for the trust they gave to me. If not for their support and encouragement, I would not have won this award," wika ni Castro, tubong Guagua, Pampanga. Si Quiñahan ay nakaani ng 569.57 matapos pangunahan ang stats category sa 485.75, habang ang sinasabing pinakamahigpit na kalaban ni Castro na si Cruz, ay third lamang sa 507.77. (Mae Balbuena)