Kasabay nina Gorres at Bautista sa pagdating sa Maynila si trainer Edito Villamor mula sa Los Angeles, California at nakatakdang magtungo sa Cebu sa Martes para sa kani-kanilang final training.
Hahamunin ni Gorres si World Boxing Organization (WBO) super flyweight champion Fernando Montiel ng Mexico, samantalang sasagupain naman ni Bautista si Feider Viloria ng Columbia.
Sakaling manalo si Bautista kay Viloria, inaasahan nang makakasagupa niya si Daniel Ponce De Leon, ang kasalukuyang naghahari sa WBO super bantamweight division.
"Sana ako ang kalaban ni Daniel Ponce De Leon, pero baka matalo pa siya kay Gerry (Peñalosa) sa laban nila sa March," wika ng 19-anyos na si Bautista, may 21-0 win-loss ring record. "Pero sana makasingit ako sa world championship."
Ang 34-anyos na si Peñalosa ang naitakda nang hahamon kay Ponce De Leon sa Marso 17 bilang undercard sa Marco Antonio Barrera-Juan Manuel Marquez super featherweight championship sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada. (R. Cadayona)