Talk N Text sibak sa finals: Ginebra pasok na

Tuluyan nang nakipagkita ang Gin Kings sa kanilang kapalaran.

Bumangon ang Barangay Ginebra buhat sa isang 10-point deficit sa third quarter para talunin ang Talk ‘N Text, 98-89, at ibulsa ang isa sa dalawang finals seat para sa 2007 PBA Philippine Cup kahapon sa napunong Araneta Coliseum.

Hindi napigilan ni head coach Jong Uichico na maging emosyonal matapos tulungan ang Gin Kings sa pagpasok sa kanilang pang 16 finals appearance mula nang pagharian ang 2004 Fiesta Conference at 2005 Philippine Cup sa ilalim ni dating mentor Siot Tanquingcen.

"It’s very emotional for me itong pagpasok namin sa finals," wika ni Uichico, hangad ang kanyang pang pitong PBA title makaraang magbigay ng anim sa San Miguel sapul noong 1999. "I’m just excited to be back in the finals now with Ginebra."

Sa kabila ng malamyang 15 puntos ni scoring machine Mark Caguioa, hindi nakaiskor sa final canto bunga ng pamumulikat, nasikwat pa rin ng Gin Kings ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa Phone Pals para wakasan ang kanilang best-of-seven semifinals series sa 4-2 panalo-talo.

Mula sa 47-57 pagkakahuli sa ilalim ng anim na minuto sa third period, isang 20-6 atake ang ikinarga ng Ginebra galing kina Caguioa, Rudy Hatfield, Billy Mamaril at Ronald Tubid para kunin ang 67-63 lamang sa 1:03 rito.

Ang technical freethrow ni Tubid mula sa pagkakatalsik kay Talk ‘N Text off-guard MacMac Cardona bunga ng ikalawang technical foul nito ang nag-akay sa ‘crowd favorites’ sa 68-63 sa natitirang 36.3 segundo ng naturang yugto.

"Hard game today, tough game today against Talk ‘N Text. We just made a run at the right time in the fourth quarter," ani Uichico sa pagbangon ng Gin Kings para kunin ang  90-73 bentahe sa Phone Pals, huling umabante sa finals noong 2005 Fiesta Conference na pinagharian ng Beermen, sa huling 2:43 ng final canto.

Ang mananalo sa pagitan ng San Miguel at Red Bull Barakos ang siyang haharapin ng Ginebra para sa best-of-seven championship series.

Samantala, nakuha naman ni 5-foot-9 Johnny Abarrientos ng Gin Kings ang all-time record sa steals sa likod ng kanyang ika-1,303 steals mula kay 6’8 Yancy De Ocampo ng Phone Pals sa 7:46 ng se-cond period.  (R. CADAYONA)

Show comments