Katulad ni coach Yeng Guiao ng Bulls, isang physical game rin ang istilo ng Sparks ni mentor Louie Alas.
"War na talaga ito, lalo na sa ilalim. Routine na namin yon. Natural na sa amin. But we dont play dirty," wika ni Alas sa dapat asahan sa salpukan ng kanyang Toyota Otis at karibal na Harbour Centre ni Jorge Gallent para sa semifinal round ng 2007 PBL Silver Cup.
Magsasagupa ang Sparks at ang Port Masters ngayong alas-2 ng hapon na susundan naman ng labanan ng Hapee-PCU Teethmasters at bagitong Mail & More Comets sa alas-4:00 ng hapon para sa Game 1 ng kani-kanilang best-of-five semifinals series sa Emilio Aguinaldo College Gym sa Taft Avenue.
Dalawang beses iginupo ng Toyota Otis ang Harbour Centre, tumalo sa kanila, 2-3, sa nakaraang PBL Unity Cup Finals, ang huli ay sa 73-67 na nagbigay sa kanila ng isa sa dalawang outright semis berth.
"I think it will be a physical game judging from the way both teams played against each other the last time," ani Alas, muling ibabandera sina Marvin Cruz, Jonathan Aldave, Patrick Cabahug, Dennis Daa at Erik Rodriguez para sa Sparks katapat sina JC Intal, Ryan Arana, Chico Lañete, Jerwin Gaco at Chad Alonzo ng Port Masters.
Tiwala naman si Gallent na nagkaroon na ng teamwork ang dating Ateneo Blue Eagle na si Intal at ang dating La Salle Green Archers na sina Arana at Gaco.
"JC Intal who is a true-blue Atenean proved he can co-exist with La Salle players when it matters most. But not only them, my other players for sure, will also deliver," sabi ni Gallent. "I think this will be an exciting series."
Sa ikalawang laro, hangad naman ni coach Lawrence Chongson na mapatunayan na isang miracle team ang kanyang Mail & More matapos lusutan ang Sista Super Sealants, 53-52, sa kanilang knockout game kamakalawa.
"Credit this to our faith in God. We did not waver despite trailing most of the game. We showed that we can have character," ani Chongson sa kanyang Comets, ang unang rookie team na umabante sa semis makaraan ang Granny Goose noong 2003.
Tinalo ng Teethmasters ang Comets, 91-80, sa kanilang playoff game para makuha ang isa sa dalawang outright semis slot.(RCadayona)