Sista, Mail & More hahabol sa huling biyahe sa semis

Kumpiyansa si coach Caloy Garcia na muling tatalunin ng kanyang mga Super Sealers ang mga Comets ni mentor Lawrence Chongson.

Lalo pa at ang ikaapat at huling semifinals ticket ang nakataya sa pang alas-3 ng hapong banggaan ng Sista Super Sealants at ng Mail & More sa 2007 PBL Silver Cup sa Olivarez Sports Center sa Parañaque.

Naipuwersa ng Super Sealers sa isang ‘do-or-die’ game ang kanilang quarterfinals match up ng Comets matapos angkinin ang 79-72 tagumpay noong Sabado, tampok ang tinipang 16 puntos ni point guard Khiel Misa.

"I’m confident that we can beat Mail & More again," ani Garcia. "But to do that, we have to stay focus and work harder because they are capable of bouncing back. But we’re ready for them."

Sa pagtuntong sa quarterfinals, binitbit ng Comets ni Chongson ang ‘twice-to-beat’ advantage bilang No. 2 team matapos ang classification phase.

"We have to match their intensity. We’re able to do that actually, pero medyo kinapos lang. But I’m still positive we can beat them," ani Chongson, ipinasa kay assistant Allan Gregorio ang pamamahala sa Mail & More noong Sabado.

Muling aasahan ng Sista sina Misa, Marcy Arellano, Kelvin Gregorio, Gilbert Malabanan at 6-foot-8 Samigue Eman kontra kina JR Quiñahan, Mike Bravo, Ronjay Buenafe at Nestor David ng Mail & More. 

Ang mananalo sa pagitan ng Super Sealers at Comets ang siyang hahamon sa naghihintay na Hapee-PCU Teethmasters ni Jun Noel sa best-of-five semifinals series.

Sasagupain naman ng Harbour Centre, naghari sa nakaraang PBL Unity Cup, ang Toyota Otis sa semis series makaraang takasan ang Cebuana Lhuillier via overtime, 86-83, noong Sabado. (RCadayona)

Show comments