Sasagupain ng Spinners ang Sista Super Sealers ngayong alas-4 ng hapon makaraan ang banggaan ng Cebuana Lhuillier Moneymen at TeleTech Titans sa alas-2 sa ikalawang playoff round sa knockout phase ng 2007 PBL Silver Cup sa Emilio Aguinaldo College Gym sa Taft Avenue, Manila.
Isang 133-128 tiple overtime win ang naitakas ng Magnolia sa Kettle Korn-UST noong Sabado sa unang playoff round na tinampukan ng conference-high 34 puntos ni Bonbon Custodio.
"With that victory against Kettle Korn-UST last Saturday, I believe we are ready for the quarterfinals," positibong wika ni coach Koy Banal sa kanyang Spinners, iginupo ang Super Sealers ni Caloy Garcia, 69-48, noong Enero 16.
Sakaling muling manaig ang Magnolia sa Sista, haharapin nito ang naghihintay na Mail & More sa quarterfinals, habang ang mananalo naman sa pagitan ng Cebuana Lhuillier at TeleTech ang sasagupain ng Harbour Centre.
Sa kabila ng 80-91 kabiguan ng Comets sa Hapee-PCU Teethmasters at 67-73 pagkatalo ng Port Masters sa Toyota Otis Sparks sa kanilang playoff game para sa dalawang automatic semifinals ticket, nabigyan pa rin ang dalawa ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Muling gagabayan nina Custodio, Yousif Aljamal, Pong Escobal, Jeff Chan at 6-foot-8 Nigerian Samuel Ekwe ang Spinners katapat sina Marcy Arellano, Kelvin Gregorio, Gilbert Malabanan, Jam Alfad at Samigue Eman ng Super Sealers.
Kagaya ng Magnolia, hangad rin ng TeleTech ni Jerry Codiñera, tinalo ang Cebuana Lhuillier ni Luigi Trillo, 68-61, sa classification phase, na makapasok sa quarterfinals. (RCADAYONA)