Isang endorsement para maging Mayor ng General Santos City ang natanggap ni Pacquiao sa idinaos na pulong ng Lakas Christian Muslim Democrats sa General Santos City noong Lunes ng gabi.
Hiniling ng 28-anyos na si Pacquiao sa Lakas Party na bigyan siya ng isang linggo para pag-isipan at konsultahin ang kanyang mga magulang at kapamilya ukol sa nasabing pag-eendorso sa kanya.
"Ang unang gagawin ko siguro ay gusto kong mabago ang GenSan," wika ni Pacquiao sa mga taong dumalo sa naturang pulong ng Lakas party. "Sa Manila vice-mayor ako pina-survey, walang kalaban, atrasan lahat eh."
Noong nakaraang taon, nagtungo si Pacquiao sa Manila City Hall upang magsumite ng kanyang residential certificate.
Ito ang pinagsimulan ng ugong-ugong kaugnay sa sinasabing pagtatambal ni Pacquiao kay Ali Atienza, ang Presidential Assistant for Sports and Development, sa darating na eleksyon sa Maynila.
Subalit sinabi ni Pacquiao, itinuring na Adopted Son ni Manila Mayor Lito Atienza, na marami nang nagawa ang mag-amang Lito at Ali Atienza sa Maynila at kalabisan na kung tatakbo pa siyang vice-mayor.
"Sa Manila kasi marami nang accomplishments ang Alkalde," sambit ni Pacquiao, palagiang sinusuportahan ni Mayor Atienza sa kanyang mga nakaraang laban. Katunayan, isang condominium unit sa La Residencia ang ibinigay ng Alkalde sa tubong GenSan bilang premyo nang manalo ito kay Mexican Marco Antonio Barrera noong Nobyembre ng 2003 sa Alamodome, Texas.
Noong nakaraang linggo lamang ay bumisita si Pacquiao sa Commission on Elections (COMELEC) para sa isang courtesy call kay chairman Benjamin Abalos. (R.Cadayona)