Last shot ni Gido!

Kagigising ko pa lang kahapon ay ginulat na ako ng ilang text messages na nanggaling sa mga kaibigang involved sa basketball.

Pumanaw na raw ang dating PBA cager na si Vigildo Babilonia bunga ng heart attack. Mga alas-kuwatro ng umaga kahapon naganap ang trahedya.

Noong umpisa’y hindi ako naniniwala at pilit ko’ng kinumpirma ang balita buhat sa ilang mga kaibigan. Pero dahil sa ilan na nga ang nagtext sa akin ng balitang iyon ay narealize ko na hindi kalokohan ang mensahe. Sino ba naman ang magloloko hinggil sa kamatayan!

Ang nakapanlulumo nga lang dito ay bata pa si Gido at athletic siya.

Hanggang sa sandali ng pagpanaw niya ay aktibo pa siya sa larangan ng basketball hindi bilang manlalaro kundi bilang assistant coach ni Dindo Pumaren sa University of the East. Aba’y kung assistant coach siya, kahit paano’y nag-eehersisyo pa rin si Babibonia.

Kadiriwang pa lang ni Gido ng kanyang ika-40 kaarawan noong Agosto 19. Kung tutuusin, marami ngang ibang basketbolista na mahigit 40 taong gulang na ay naglalaro pa. Balita nga namin ay may nagbabalak na magtayo ng torneo ng mga ex-PBA players na 40 pataas ang edad at limang taon nang hindi aktibo bilang pro cager.

Qualified na sana si Gido sa torneong iyon dahil sa nagretiro siya pagkatapos ng 2002 season. Sa FedEx siya huling naglaro kung saan naging kakampi nga niya si Pumaren.

Si Gido ay produkto ng Letran College at natulungan niya ang Squires na magkampeon sa National Collegiate Athletic Association. Matapos iyon ay lumipat siya sa University of Santo Tomas. Umakyat siya sa PBA noong 1990 nang kunin siya ng Purefoods. Nakapaglaro din siya sa Shell, Pepsi, San Miguel Beer, Mobiline at Talk N Text.

Kahit pa naglalaro si Gido ay nagnenegosyo na siya at nagsusuply ng mga isda at ilang seafood sa supermarket ng Shoe Mart. Naging business partners pa sila ni Purefoods Chunkee Corned Beef assistant coach Ronnie Magsanoc sa isang restaurant na ang specialty ay bachoy sa bandang Masinag, Antipolo.

So talagang maayos na ang buhay ni Gido kahit pa hindi na siya naglalaro ng basketball. Tinuturuan na lang niya ang kanyang anak na sumunod sa kanyang yapak. At siyempre, tinuturuan din niya ang mga big men ng UE na nangangarap na magkampeon sa UAAP.

Well, noon pa mang nasa poder siya ng San Miguel ay makailang beses din siyang nadiagnose na mayroong heart problem. Pero napagdaanan na niya iyon at marami ang nag-akalang tapos na ang problema dahil sa nakapaglaro pa naman siya sa ibang teams bago nagretiro.

Pero traydor talaga itong sakit sa puso, e.

Kaya mag-ingat din tayo!

Goodbye, Gido!

Show comments