Dinomina ang buong laro, iginupo ng Sparks ang Comets mula sa isang 81-71 tagumpay para palakasin ang kanilang tsansa sa isang playoff seat sa classification phase ng 2007 PBL Silver Cup kahapon sa Olivarez Sports Center sa Parañaque.
Ang panalo sa TeleTech sa Martes ang ganap nang magbibigay sa Toyota Otis, may 6-3 record ngayon kadikit ang Sista Super Sealants at Hapee-PCU sa ilalim ng 7-3 kartada ng Mail & More, ng isang playoff slot para sa isa sa dalawang outright semis berth.
"Talagang importante sa amin yung game against TeleTech. Sa quotient, lamang na ang Mail & More sa amin since 31 puntos ang tambak nila sa amin, kaya we have to win," ani coach Louie Alas sa kanyang Sparks, na winaksan ang six-game winning streak ng Comets kasabay ng paglilista nila ng isang three-game winning run.
Kinuha ng Toyota Otis ang 25-16 abante sa 1:25 ng first period patungo sa 36-22 pagbabaon sa Mail & More sa 7:01 ng second quarter.
Matapos iposte ng Sparks ang isang 16 point lead, 58-42, sa 4: 47 ng third quarter, nailapit naman ng Comets ang laro sa 67-76 agwat mula sa dala-wang sunod na tres nina Wynsjohn Te at Mike Bravo sa huling 3:44 ng final canto.
Dalawang freethrows nina Jon Aldave at Marvin Cruz at isang tres ni Patrick Cabahug, umiskor ng 25 puntos, ang naglayo sa Toyota Otis sa Mail & More, 81-69 sa natitirang 51.3 segundo. ( RCadayona)