Ngunit hindi ito naging madali para sa Comets.
Kinailangan ng Mail & More na bumangon mula sa isang 9-point deficit sa third period patungo sa kanilang 78-67 panalo sa TeleTech sa eliminations ng 2007 PBL Silver Cup kahapon sa Emilio Aguinaldo College Gym sa Taft Avenue.
"I kept reminding them na importante itong game na ito dahil we will have one foot sa semifinals. At isa na lang, we are already here," ani mentor Lawrence Chongson sa Comets na may 7-2 win-loss record.
Kailangan na lamang ng Comets na manalo sa Toyota Otis Sparks sa Sabado para pormal na angkinin ang isa sa dalawang outright semifinal ticket.
Ipinoste ng Mail & More ang isang 11-point lead sa second period bago nakabawi ang TeleTech na may 4-4 baraha, sa pagkabura ng 52-43 kalamangan sa huling 2:56 minuto ng third quarter buhat sa walong puntos si Dondon Villamin at lima ni Mel Latoreno.
Gamit ang pressure at zone defense, muling naagaw ng Comets ang abante sa 70-60 mula sa isang 16-4 atake nina Ronjay Buenafe, Mike Bravo, Jim Viray sa 4:26 minuto ng final canto.
Ganap nang kinuha ng Mail & More ang nasabing panalo matapos ang basket ni Nestor David para ibaon ang TeleTech sa 77-63 sa huling 2:06 minuto ng laro.
Sa ikalawang laro, pinigil naman ng Toyota Otis ang paglapit ng Sista Super Sealants sa sang playoff slot sa semis nang kunin ang 82-66 tagumpay.
"Puwede pa kami sa outright since one game away lang kami sa Mail & More," ani mentor Louie Alas sa kanyang Sparks na may 5-3 kartada katabla ang Harbour Centre at Hapee-PCU sa ilalim ng Super Sealers na may 6-3 marka.
Umiskor si Patrick Cabahug ng 18-puntos para pamunuan ang Toyota kasunod ang 15 ni Marvin Cruz na humugot ng siyam na puntos sa third quarter, 11 ni Eric Rodriguez at tig-10 nina Ian Coronel at Jonathan Aldave. (RCadayona)