Sasagupain ng Comets ang baguhan ring Kettle Korn-UST Pop Kings sa ganap na alas-2 ng hapon na susundan ng upakan ng dating lider na Hapee-PCU Teethmasters at Harbour Centre Port Masters sa alas-4 sa eliminasyon ng 2007 PBL Silver Cup sa Olivarez Sports Center sa Parañaque.
Ibinabandera pa rin ng Sista ang kanilang 6-2 kartada sa itaas ng Mail & More (5-2), Hapee-PCU (5-2), Harbour Centre (4-3), Toyota Otis (4-3), TeleTech (4-3), Cebuana Lhuillier (3-5), Magnolia (2-6) at Kettle Korn-UST (0-7).
Apat na sunod na tagumpay ang inilista ng Comets bago ang holiday break ng liga noong Disyembre 20.
"We have to maintain this kind of intensity if we want to achieve our goal, which is to make it to the semifinal round sa unang tournament namin," sabi ni coach Lawrence Chongson sa kanyang Mail & More na huling naging biktima ay ang Cebuana Lhuillier noong Disyembre 14.
Umaasa naman si mentor Pido Jarencio na makakatikim na ng panalo ang kanyang Pop Kings mula sa kanilang 0-7 baraha.
"Of course, malaking adjustment ang kailangan naming gawin dito sa PBL kasi ibang level of competition na ito kumpara sa UAAP," ani Jarencio, gumiya sa UST Growling Tigers sa korona ng nakaraang 69th UAAP mens basketball tournament.
Ang huling kabiguan ng Kettle Korn-UST ay ang 52-74 pagkatalo sa TeleTech ni Jerry Codinera.
Muling gagabayan ni 6-foot-6 Cebu standout JR Quiñahan ang Comets katuwang sina Mike Bravo, Jorell Canizares, Ronjay Buenafe at Nestor David laban kina Jojo Duncil, Allan Evangelista, Japs Cuan, Josh Urbiztondo at Anthony Espiritu ng Pop Kings.
Sa ikalawang laro, pipilitin naman ng Teethmasters ni Jun Noel na makabangon buhat sa isang two-game losing skid matapos na rin nilang iposte ang isang 5-0 rekord. (Russell Cadayona)