Ito ay bunga na rin ng kanilang playoff gamesa Enero 3 para sa ikatlo at huling outright quarterfinal ticket sa pagbabalik ng 2007 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Tinapos ng Giants, Realtors at Talk 'N Text Phone Pals ang classification phase mula sa magkakapareho nilang 10-8 rekord sa ilalim ng 11-7 baraha ng quarterfinalist na Red Bull.
Dahil sa mas mataas na quotient, nadakma ng Talk 'N Text ang ikalawang outright quarterfinals seat na nag-iwan sa Purefoods at Sta. Lucia sa isang playoff match sa Miyerkules sa ganap na alas-7 ng gabi.
"We dont talk about the past and we just look forward to coming out hard on January 3," wika ni coach Ryan Gregorio sa kanyang Giants, ang kampeon sa nakaraang Philippine Cup.
Ito rin ang isinasaksak ni mentor Alfrancis Chua sa kanyang mga Realtors, nagposte ng 9-3 kartada bago lumubog sa dulo ng classification phase.
"Its now a reality that we have to face," sabi ni Chua."Weve been working hard in practice and well give it our best shot."
Ang mananalo ay sasama sa Red Bull at Talk 'N Text sa quarterfinals, ang mabibigo naman ay makakahanay ng Alaska, Air 21 at Coca-Cola sa wildcard phase kung saan ang best team ang aakyat sa quarterfinals. (Russell Cadayona)