Ayon kay PSC chairman Butch Ramirez, siniguro ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na tatanggap ng insentibo ang mga coach mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation bago matapos ang taon.
Nangunguna sa listahan ng money earner at tumanggap ng halagang P750,000 si Samson Co, coach ng Wushu na gumiya kay Rene Catalan at Eduard Folayang sa gold at silver medal.
Ang Philippines ay may 4 gold, 6 silvers at 9 bronze sa Doha Asian Games na ginanap noong Disyembre 1-15 na lumagpas sa 3-gold na tinapos sa Busan Asian Games.
Ang iba pang gold medalists ay sina Violito Payla at Joan Tipon ng boxing, Antonio Gabica sa 9-ball singles ng billiards.
Tumanggap naman sina billiards coach Ricardo Ancaja at Edgar Asonto ng tig-P500,000 habang sina boxing coach Pat Gaspi, Boy Velasco at Ronald Chavez ay tig-P366,666 bawat isa.
Sa taekwondo na may dalawang silver at tatlong bronze tatanggap ng tig-P216,666 sina coach Raul Samson, Roberto Cruz at Stephen Fernandez.
Si David Lay ng karate ay magbubulsa ng P250,000, P50,000 kay Victolito Luna at P100,000 kay Martin Misa.
"The coaches deserve these incentives as much as the athletes do. They have also sacrificed a lot and it is only befitting that we also honor and recognize their achievements," ani Ramirez.