Dapat ngayon pa lamang maghanda na

Sa hangaring maidepensa ang overall championship sa 2007 Southeast Asian Games sa Thailand, ngayon pa lamang ay dapat nang itaas ng Philippine sports ang antas ng kakayahan ng mga Filipino athletes.

Ayon kay dating Gintong Alay Director Michael Keon, hangad ng Thailand na muling mapasakamay ang overall crown sa kanilang pagdaraos ng 24th SEA Games sa Disyembre ng 2007.

"We really have to start upgrading our standard," panukala ni Keon sa Philippine Sports Commission (PSC) at sa Philippine Olympic Committee (POC). "There is no secret formula to success."

Sa pamamahala ng Pilipinas noong 2005, nakuha ng mga Pinoy ang overall title mula sa nakolektang 112 gold, 84 silver at 94 bronze medals kasunod ang Thailand (87-78-118), Vietnam (71-68-89), Malaysia (61-50-64), Indonesia (49-79-89), Singapore (42-32-55), Myanmar (17-34-48), Laos (3-4-12), Brunei (1-2-2), Cambodia (0-3-9) at Timor (0-0-3).

"The basic things are adequate funding, proper exposure, first-class equipment and good psychological backup in terms of having competitive and inspiring coaches," wika ni Keon sa magiging sandigan ng Team Philippines para sa matagumpay na pagtatanggol ng SEA Games crown sa 2007.

Inaasahan ni Keon, humubog sa mga athletics legend na sina Lydia De Vega, Isidro Del Prado at Hector Begeo, na magiging agresibo ang mga Thai athletes para makuha ang bawat gintong medalya sa 34 sports events sa 2007.

Sa katunayan, ipinakita ng Thailand ang kanilang seryosong pag-agaw sa SEA Games title sa Team Philippines matapos pumuwesto bilang pang lima sa overall standing ng 15th Asian Games sa Doha, Qatar.

Kumolekta ang mga Thais ng kabuuang 13 gold, 15 silver at 26 bronze medals kumpara sa 4-6-9 na naiuwi ng mga Pinoy para maging 18th placer sa 2006 Doha Asiad. (Russell Cadayona)

Show comments