Nakumpleto ang Pasko ng Phone Pals matapos ang 115-104 panalo laban sa Gin Kings na nagkaloob sa kanila ng quarterfinal slot, sa pagtatapos ng classification round ng PBA Philippine Cup sa punumpunong Araneta Coliseum kagabi na may conference record na 17,779 live attendance.
Tinapos ng Phone Pals ang kanilang 18-games assignment na may 10-panalo na nagbunga ng three-way-tie sa 10-8 kartada kasama ang Realtors at ang defending champion Chunkee Giants.
Dahil ang Talk N Text ang may pinakamataas na quotient na 1.010 laban sa Purefoods (1.007) at Sta. Lucia (0.983) kaya sila ang ookupa ng No. 4 slot habang ang Giants at Realtors ay magtutuos sa playoff para sa No. 5 slot sa Enero 3 sa Cuneta Astrodome bago magsisimula ang wild card phase sa Enero 5.
Pumutok si Renren Ritualo sa ikaapat na quarter nang ikamada nito ang 12 sa kanyang tinapos na 20-puntos, kabilang ang tatlong tres sa 19-5 salvo na naglayo sa Phone Pals sa 104-83 bentahe papasok sa huling 6:21 minuto ng laro.
Nauna rito, tinapos ng San Miguel Beer ang kanilang elimination campaign sa pamamagitan ng 108-104 panalo laban sa Air21.
Nagtapos ang SMBeer at Ginebra, parehong nakasiguro ng awtomatikong semifinal slot bilang top-two-teams, na tabla sa 13-5 kartada ngunit ang Ginebra ang No. 1 dahil sa kanilang mas mataas na quotient.
Makakasama ng Phone Pals sa quarterfinals ang Red Bull na tumapos bilang No. 3 team dahil sa kanilang 11-7 record, ang mananalo sa Purefoods-Sta. Lucia playoff at ang top team pagkatapos ng single round wild card phase.
Bunga ng pagkatalo, kakailanganin ng Express na sigurado na sa No. 8 position, na ipanalo ang tatlong laro upang makuha ang huling quarterfinal slot. (Mae Balbuena)