Pinabagsak ni Muhammad Rachman ng Indonesia si Sorolla sa seventh round upang patuloy na pag-harian ang minimumweight division ng International Boxing Federation (IBF) sa kanilang upakan sa 5,000-seater Indoor Tennis Senayan Stadium kahapon sa Jakarta, Indonesia.
Hindi tinigilan ni Rachman, nagdiwang ng kanyang ika-35 kaarawan, ng suntok si Sorolla sa seventh round na nagtulak kay referee John Wright na pigilin na ang naturang 12-round title fight para sa Technical Knockout (TKO) ng nagdedepensang kampeon sa 2:10 nito.
Dinomina ng Indon champion si Sorolla sa score-cards ng tatlong hurado patungo sa kanyang mata-gumpay na pagtatanggol ng korona.
Ang naturang tagumpay ang nag-angat sa win-loss-draw ring record ni Rachman sa 61-5-5 kasama ang 31 KOs, samantalang nahulog naman sa 21-11-3 (6 KOs) ang card ni Sorolla.
Tinalo na ni Rachman sa Sorolla sa kanilang unang pagtatagpo noong 2002 sa Jakarta sa pamamagitan ng isang unanimous decision.
Ginamit na sandata ni Rachman ang kanyang epektibong jabs sa halos kabuuan ng nasabing laban bukod pa sa maganda niyang paggamit ng apat na sukat na lona na nagpahirap sa pagbitaw ni Sorolla ng kanyang mga suntok.
Sa kabila ng kawalan ng knockdown, napaputok ni Rachman ang itaas ng kaliwang mata ni Sorolla sa sixth round mula sa isang matulis na left cross na itinuring ni Wright na isang legit punch.
Kung nanalo kay Rachman, si Sorolla sana ang maituturing na lehitimong world boxing champion ng Pilipinas. (russell cadayona)