Isinalpak ni Reed Juntilla ang isang jump shot sa huling 2.3 segundo na nagtakas sa 75-73 panalo ng Port Masters sa Cebuana Lhuillier sa eliminasyon ng 2006 PBL Silver Cup kahapon sa Olivarez Sports Center sa Paranaque.
Ang naturang tagumpay ang nagtabla sa Harbour Centre sa Toyota Otis at TeleTech mula sa magkapareho nilang 4-3 rekord sa ilalim ng 6-2 marka ng Sista Super Sealants at 5-2 baraha ng Mail & More at Hapee-PCU.
Nauna rito, itinabla muna ni Ken Bono ang Cebuana Lhuillier, may 3-5 rekord ngayon kasunod ang Magnolia (2-6) at Kettle Korn-UST (0-7), sa 73-73 mula sa kanyang running shot sa huling 12.3 tikada matapos ang dalawang mintis na freethrows ni Intal.
Kinuha ni Juntilla ang bola kay Jerwin Gaco at nilansi si Money-man Emerson Oreta para sa kanyang jumper sa nalalabing 2.3 segundo para sa panalo ng Port Masters, nakahugot ng 11 assists, 4 puntos, 4 boards at 3 steals kay point guard Al Vergara.
Samantala, oobserbahan muna ng PBL ang Kapaskuhan bago simulan ang second round sa Enero 6 kung saan magtatapat ang Comets at ang Pop Kings sa alas-2 ng hapon kasunod ang laro ng Port Masters at Teethmasters sa alas-4 sa Parañaque venue. (Russell Cadayona)