Idagdag na natin dito ang pahayag ng isang kolumnista ng ESPN na ang WBC International superfeatherweight champion na talaga ang pinakamahusay na junior lightweight sa mundo.
Inihambing ng ESPN ang huling laban ni Pacquiao at Erik Morales sa bagsik ng Hagler-Hearns noong dekada 80, kung saan nagiba si Hearns sa loob ng tatlong siksik na round. Ayon pa sa ulat, karapat-dapat daw kilalanin si Pacman bilang fighter of the year. Ang tanging gusot lamang ay ang kanyang kontrata na pinagtatalunan ng Golden Boy Promotions at Top Rank.
Sumusunod sa listahan si WBC superfeatherweight champion Marco Antonio Barrera. Bagamat masakit tanggapin na mas matunog si Pacquiao kaysa sa mismong may hawak ng korona, handa diumano si Barrera na balikan si Pacquiao, na tumalo sa kanya tatlong taon na ang nakalilipas. Subalit kung hindi maplantsa ang gusto sa kontrata ni Pacquiao, maaaring harapin na lamang ng Mexicano ang kababayang si Juan Manuel Marquez, na tinatayang aakyat mula sa featherweight para makakuha ng mas malalaking laban.
Pangatlo sa kanilang talaan ng junior lightweights ay si Joan Guzman (26 na panalo, wala pang talo), ang World Boxing Organization champion. Matatandaang matapos ang paggiba kay Morales, hinamon daw ni Guzman si Pacquiao. Sa ngayon, pauwi si Guzman sa Dominican Republic para ipagtanggol ang kanyang korona laban kay Antonio Davis (22-2 ang karta) sa ika-18 ng buwang ito. Subalit wala pang malakas na nakalaban si Guzman, at halos aksidente ang pagkakakuha niya ng titulo.
Pang-apat ang di-gaanong naitutulak na si Humberto Soto (40-5-2). Bagamat napakaganda ng kanyang rekord, tila nalunod na siya sa mga mas tanyag na boksingero sa kanyang dibisyon. Inaayos ngayon ni Bob Arum ito sa paglagay kay Soto sa undercard ng title defense ni Miguel Cotto sa Marso. Subalit kapansin-pansin na mas mataas pa ang ranggo ni Soto sa ESPN kaysa kay Morales.
At nabanggit din si Morales, panlima siya sa talaan, subalit sa paniniwala ng ESPN, pabagsak na ito, dahil sa tatlong sunod na talo, at apat sa huling limang laban. Subalit may balak pa raw si Morales na umakyat sa light-weight division at subukan ang kampeong si Joel Casamayor bago pa pag-isipan ang pagretiro. Pero kung aakyat si Morales, lalo lamang mawawala ang dati niyang bilis.
Pang-anim si Rocky Juarez, bagamat dalawang beses natalo kay Barrera sa kanilang mga title fight. Matapos ang mahaba-habang pamimili ng promoter, sa Golden Boy babagsak si Juarez.
Pampito si Edwin Valero mula sa Venezuela. Nakakasindak ang rekord nito, dahil dalawampu ang panalo, puro knockout pa. Sa Ja-pan na nakatira si Valero, at may nakatakdang title defense laban kay Mi/chael Lozada ng Mexico.