Ngunit pinaghahandaan na ito ng middle distance runner na si Julius Sermona. At seryoso niyang ginagawa ito gaya ng kanyang paglahok sa National Milo Marathon kahapon.
At may malaking posibilidad na magbunga ng maganda ang kanyang pagsisikap sa Thailand SEA Games matapos nitong pangunahan ang 42-kilometer race na nagtapos sa Quirino Grand Stand kahapon sa Luneta.
"Preparation ko ito para sa SEA Games next year," wika ng 28-gulang na si Sermona na regular na nananalo sa 10K at 5K runs ngunit sumubok ng kanyang lakas sa full marathon sa ikalawang pagkakataon pa lamang.
Tinapos nito ang karera sa loob ng dalawang oras, 21-minuto at 52-segundo na 19 segundo lamang ang layo sa course record ni defending champion Cresenciano Sabal na nagtapos lamang bilang seventh place.
Runner-up at third placer sina Bernardo Desamito (2:22:44) at two-time champion Allan Ballester (2:23:13).
Nagpakita rin ng pag-asa sa SEAG ang kapwa national team member ni Sermona na si Jho-An Banayag nang pangunahan nito ang distaff side sa pamamagitan ng record breaking performance.
Hinigitan naman ni Banayag ang record sa womens division nang tawirin niya ang finish line sa oras na 2:48.16 na mas mabilis sa record ni Cristabel Martes na 2:53.58 naitala noong 2004.
Nahigitan din ni Flordeliza Carreon ang record ni Martes ngunit nagkasya lamang ito sa second place kasunod si Estela Mamac-Diaz, champion noong 2004, sa oras na 2:56.15.
Nagsubi sina Sermona at Banayag ng P75,000 ngunit may karagdagang P10,000 ang huli dahil sa kanyang bagong record sa karerang ito na suportado ng Bayview Park Hotel-Manila, Adidas, Cebu Pacific, Department of Tourism at Power-bar habang ang mga second placers at third placers ay may P50,000 at P30,000 ayon sa pagkakasunod. (Mae Balbuena)