"We need this win badly after losing to Purefoods in overtime last Friday. At nakatulong ang Welcoat para bumalik yung rhythm ng mga bata," ani coach Alfrancis Chua.
Tinapos ng Realtors ang kanilang tatlong sunod na kamalasan nang gibain ang Dragons, 98-82 upang palakasin ang kanilang tsansa sa isa sa dalawang outright semifinals berth sa 2006 PBA Philippine Cup kahapon sa Cuneta Astrodome.
Kumulekta si 1998 Most Valuable Player Kenneth Duremdes ng 18-puntos, 10 rito ay kanyang hinugot sa fourth quarter, 6-boards, 6-assists at isang steal para ihatid ang Sta. Lucia sa 10-6 record katabla ang Red Bull sa ilalim ng Ginebra (11-4) at San Miguel (10-5).
Nanganganib namang masibak ang Welcoat mula sa kanilang 3-13 baraha sa ilalim ng 4-12 ng Coca-Cola.
Itinala ng Realtors ang 19-point lead, 69-50 sa huling 54.3 segundo ng third period kung saan nilimitahan ang Dragons sa kabuuang 8-puntos lamang.
Huling nakalapit ang Welcoat sa 63-73 agwat mula sa ihinulog na 9-4 atake sa likod nina Jay-R Reyes na kumubra ng 19-puntos, 17-rebounds at 5-blocks, Jun-jun Cabatu at Gilbert Lao sa ilalim ng 7-minuto ng final canto.
Muling inilayo ng Sta. Lucia sa 84-67 ang kanilang lamang buhat sa dalawang magkahiwalay na three-pointers nina Paolo Mendoza at Alex Cabagnot sa huling 5:15 minuto ng laro.
Kasalukuyan pang naglalaro ang Talk N Text (8-7) at ang Air21 (7-8) habang sinusulat ang balitang ito. (RCadayona)