^

PSN Palaro

Payla susuntok para sa gold

-
DOHA — Muling bumukas ang pintuan patungo sa pagsungkit ng mailap na ginto nang mamayagpag si Violito Payla at umusad ito sa finals na nagsiguro ng silver medal sa boxing competition sa Aspire Hall 5, dito sa 15th Asian Games.

Ito’y makaraang igupo ang mas matangkad na kalabang Intsik na si Bo Yang sa pamamagitan ng Referee-Stopped-Contest Outclassed sa ikatlong round ng kanilang four-round fight.

Tulad ng kanyang inaasahan at pinaghandaan, makakalaban niya sa finals ang Thai boxer na si Somjit Jongjohor na nanaig naman sa Japanese fighter na si Katsuaki Susa sa pamamagitan din ng RSCO sa kanilang 51 kg. flyweight match.

Patuloy na naging mailap ang gintong medalya para sa Team Philippines nang dalawang beses itong nakawala noong Sabado ng gabi, makaraang matalo sina Antonio Gabica at Tshomlee Go sa kanilang laban sa finals.

Hindi umubra ang pagiging agresibo ni Go kay Ju Young Kim ng Korea at yumuko sa kanilang finals match at gold medal na laban, 4-1.

Hindi naging madali ang daan para sa 25 anyos na si Go, bronze medallist sa 2002 Busan Asiad. Una niyang iginupo si Badralden Al Muradi ng Yemen, 2-1 bago isinunod si Aman Abykenov ng Kyrgyzstan, 2-1 upang makasulong sa quarterfinals.

Sa kabilang dako, hindi nasustina ni Antonio Gabica ang kanyang malinis na baraha, makaraang yumuko kay Satoshi Kawabata ng Japan, 9-7 at makaalpas ang ginintuang pagkakataon.

Natalo naman si Leonardo Andam para sa bronze medal kay Kun Chang Huwang ng Chinese-Taipei, 9-5.

Sa wrestling, bagamat nanalo si Margarito Angana kay Ali Saleh Al Agzam ng Saudi Arabia, 4-1 sa Greco-Roman event ng wrestling competition, yumuko naman ito kay Jasem Amiri ng Iran sa quarterfinals.

Sa iba pang resulta, kapwa nalunod sina Marvin Amposta at Danny Funelas nang kapwa hindi nakausad sa qualifying ng kani-kanilang event sa canoe at kayak event na ginaganap sa West Bay Lagoon.

Bagamat hindi nakakuha ng medalya, isang national record na naman ang nawasak at ito ay naitala ni Jan Paul Morales sa 1km individual pursuit ng cycling event sa Aspire velodrome.

Kasalukuyan namang nakikipaglaban sina Kirstie Alora at Manuel Rivero sa taekwondo event sa Doha Sports Club sa pagpuntirya nilang madagdagan ang medalya ng mga Pinoy jins.

Umusad naman sa round of 16 ng 9-ball pool events sina 8-ball silver medallist Antonio Gabica na nanaig kay Raed Ahmed Ali Humeed ng Bahrain, 11-2 at Jeffrey de Luna na naka-bye. (Dina Marie Villena)

ALI SALEH AL AGZAM

AMAN ABYKENOV

ANTONIO GABICA

ASIAN GAMES

ASPIRE HALL

BADRALDEN AL MURADI

BO YANG

BUSAN ASIAD

DANNY FUNELAS

DINA MARIE VILLENA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with