Naging mailap sa kanya ang gintong medalya, na halos abot kamay na niya, makaraang payukurin ito ng Korean jin na si Hwang Kyeun-seon, sa finals at makuntento na lamang sa silver.
Sa dalawang beses nilang pagtatagpo ng Korean, dalawang beses din siyang bigo sa mas matangkad na kalaban. Una sa Athens Olympics kung saan panglima lamang ang Pinay jins at ikalawa ay sa Asian championships.
"We tried to find a way of defeating her (Hwang), because she was taller," ani Rivero, na ang silver medal ang nagpasigla sa kampanya hindi lamang ng kapwa niya jins kundi ng buong RP Team.
Sa kanyang pagtungo sa finals, isang impresibong panalo ang inilista nito laban kay Liya Nurkina ng Kazakhstan, 2-1 bago iginupo si Bui Thu Hien ng Vietnam, ang kanyang tinalo sa semis sa Manila SEA Games noong nakaraang taon.
Nabahiran ng kalungkutan ang araw ng jins nang matalo si Lorraine Lorelie Catalan sa kay Wun Yen Ni ng Chinese-Taipei sa 51 kgs. gayundin si Ernesto Mendoza III na yumuko din sa Taiwanese na si Chia-hsing Liao, 6-1.
Habang sinusulat ang balitang dalawa pang jins ang nakikipaglaban na sina Criselda Roxas at Tshomlee Go. (DMV)