Ngayong Disyembre, susubukan ng Teethmasters na manatiling mainit ang kanilang ratsada laban sa baguhang Mail & More Comets sa ganap na alas-2 ng hapon kasunod ang labanan ng Toyota Otis Sparks at Kettle Korn-UST Pop Kings sa alas-4 sa Olivarez Sports Center sa Parañaque.
"Being on top of the heap, I know that everybody wants to beat us. Even Mail & More is raring to stop us, but well see," wika ni head coach Jun Noel sa kanyang Hapee-PCU na nagbabandera ng 5-0 rekord kasunod ang Sista Super Sealants (4-2), Mail & More (3-2), TeleTech (3-2), Harbour Centre (2-2), Toyota Otis (2-2), Cebuana Lhuillier (2-3), Mag-nolia (1-4) at Kettle Korn-UST (0-5).
Huling naglista ng panalo ang Teethmasters noong Nobyembre 28 nang igupo ang Titans, 76-67, samantalang nagmula naman ang Comets sa 65-58 tagumpay sa Super Sealers noong Disyembre 2 para sa kanilang two-game winning streak.
Muling aasahan ng Teethmasters sina Jason Castro, Larry Rodriguez, Rob Sanz, Mark Moreno at Robby David kontra kina JR Quiñahan, Nestor David, Marvin Yambao at Jorell Canizares ng Comets.
Sa ikalawang laro, tatargetin naman ng Toyota Otis ang kanilang pangalawang sunod na panalo matapos na ring umiskor ng isang 64-60 panalo sa Harbour Centre noong Martes.
Kumpara sa Sparks, nanggaling naman ang Pop Kings sa isang 78-80 kabiguan sa Super Sealers para sa kanilang pang limang dikit na kamalasan. (r. cadayona)