Bagamat bitbit ang matinding pressure sa kanilang balikat, sasagupa sa giyera ang GTK army sa pagsisimula ng athletics event sa Khalifa Stadium na puno ng pag-asang sa kanila magmumula ang unang medalya na ilang beses nang pinagtangkaan ngunit laging bigo sa paghahangad.
"Like the swimmers, the athletics team is hard-pressed to win a medal in this world-class games," anang isang sports official na ayaw mapangalanan.
Babanderahan ni long jumpers Henry Dagmil, Maristella Torres at Lerma Bulauitan-Gabito ang kampanya ng 11-kataong GTK army na maibsan ang tagtuyot na kampanya ng track and field.
Huling nagwagi ng medalya ang mga Pinoy trackers noong 1998 Bangkok Asian Games kung saan isinukbit ng nagretiro ng si Elma Muros Posadas ang bronze medal sa long jump.
At kung susuwertihin, malamang na sa naturang long jump event din magmumula ang bronze sa pagtalon ni Dagmil, na nagsanay sa California sa kanyang preparasyon.
Ayon kay Go, pangulo ng Philippine Amateur Track and Field Association, tumalon ng 8.0m si Dagmil sa California, USA na kung totoo man ay nalagpasan na niya ang record na 7.81m na kanyang ipinoste sa Southeast Asian Games noong nakaraang taon.
Bitbit ni Dagmil ang personal best niyang 7.83m, may ilang metro ang layo sa 8.14m record na itinala ni Hussein Taher Al-Sabee ng Saudi Arabia sa Busan Asian Games.
Ngunit sa panig ng kababaihan, kailangan ng isang malusog na si Torres at pokadong si Gabito.
Si Torres, na isa sa kinokonsiderang papalit sa trono ni Muros-Posadas ay hindi pa nakakarekober mula sa mild fracture sa leg bone, habang si Gabito naman ay nasa porma.
Si Dagmil ay sasamahan ni Joebert Delicano sa runaway.
Sasabak din sina Ernie Candelario sa 400m kasama si Julius Nierras at SEA Games gold medallist Rene Herrera sa 3,000m steeplechase.
Tatakbo naman si Eduardo Buenavista sa mens marathon sa Disyembre 10, na sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi pangwakas na kompetisyon sa final day ng palaro. (dmvillena)