Paano naman kaya kung may date ka na matagal mo nang inaabangan. Susunduin mo siyat bihis na bihis ka. Kung magan-da ang kalabasan, baka sagutin ka na. Tapos, habang papunta kayo sa restawran, naubusan ka ng gasolina. Paano na?
Parang ganyan ang ginawa natin sa pagpunta sa Asian Games sa Doha. Nangako tayo, nagbasa ng bolang kristal ang nagsabing mag-uuwi tayo ng limang gintong medalya. At marami ang naniwala. (Siguro walang nakapansin na, noong magsa-bi ang mga sports leader natin na mananalo tayo ng limang ginto, hindi pa nga natin alam kung saan-saang mga sport tayo sasali.)
Ano ang ibig kong tumbukin dito? "We make predictions in a vacuum." Sa madaling sabi, wala tayong sukatan o pamantayan sa ating mga inaasam sa sports.
Paano natin masasabing ganoon karami ang ating makakamit na ginto nang wala tayong pruweba? Paano natin masasabing magwawagi tayo sa boksing, bowling, at iba pa? Alam na ba natin kung sino ang makakalaban natin? Kabisado ba natin ang pagsasanay na ginawa nila? Nakalaban na ba natin sila datit tinalo na natin?
Unang-una, mahirap nang magsalita ng patapos, dahil kasali ang China at Japan. Pumangalawa ang China sa pangkalahatan sa huling Olympic Games, panlima naman ang Japan. Paano natin sila maaagawan ng medalya? Pangalawa, sa equestrian, aminado ang mga atleta natin na mahihirapan sila dahil kasali na ang mga bansang Arabo at pawang mga miyembro ng mga royal family ang lahok. Isang milyong dolyar ang halaga ng isa nilang kabayo. Kaya ba nating tapatan sila?
Marami sa ating mga makakaharap ay mahigit dalawang taon nang nagsasanay sa China. Para sa SEA Games, napadala natin ang marami nating atleta doon para magsanay ng dalawang buwan lamang. At hindi pa pinalawig ang kontrata ni National Training Director Mike Keon para sa Asian Games. Iyan ba ang gantimpala niya para sa overall championship natin sa SEA Games?
Sana naman huwag tayong magpadala sa mga pangako ng gintong hinugot lamang sa ere. Hindi magician ang mga atleta natin. Sila ang nagpapawis at nasusugatan sa training at sa laban. Tapos sila pa ang masisisi.
Huwag naman ganoon.