Ilustre-Pascua duo nakabawi

DOHA – Isang magandang tanawin na punum-puno ng kasiyahan ang napapanood tuwing sasalang ang mga Fil-Am belles na sina Heidi Ilustre at Diane Pascua dito sa beach volleyball competition ng 15th Asian Games.

Bagamat lumasap ng matinding kabiguan kontra sa mas matatangkad at mas batang Chinese duo, buo pa rin ang kumpiyansang pumagitna ng dalawang magaganda at seksing Fil-Am spikers at magaan na pinadapa ang Sri Lankans, 21-8, 21-9, sa harap ng mga kababayang Pinoy sa malamig na beach volleyball court sa Sports City.

Halos tinapos ang laro sa magandang drop shots at matutulis na spikes, walang nagawa ang Sri Lankan duo na sina Geethika Lalani Gunawardana at Withanage Sujeewa Wi-jeshinghe sa kanilang laban na tumagal la-mang ng 32 minutos.

Susunod na makakalaban ng magagan-dang Fil-Ams ang mabigat na tambalan ng Thailand na sina Pyupa Phokongploy at Usa Tenpaksee na nanaig naman sa Kazakahstan 21-14, 21-4.

Hindi rin pahuhuli ang men’s beach volley team nina Rhovyl Velasyo at Parley Tupaz na nanaig sa laban nila kontra sa Palestine, 21-8, 21-10 upang makaharap naman ang India na namayani sa Bahrain, 26-24, 21-14.

Ang laban ay alas-4 ng hapon (9pm sa Manila) sa kalalakihan at alas-7 ng gabi ( alas-12 ng hating gabi sa Manila) sa kababaihan. (DMVillena)

Show comments