Nakatakdang makipagpalitan ng suntok sina Godfrey Castro at Joan Tipon sa kani-kanilang kalaban upang simulan ang kampanya na maibsan ang pagka-uhaw sa Asian Games gold medal. Makakaharap ni Castro, pumalit kay Busan Asian Games silver medallist Harry Tanamor, si Zamzai Azizi ng Malaysia sa ganap na alas-2 ng hapon (alas-7 ng gabi sa Manila) kung saan sakaling manalo ay makakalaban naman ang magwawagi sa pagitan nina Issac Ranos Yeferdson ng Timor Leste at Ali Saad Al Ahmry ng Saudi Arabia.
At kung susuwertihin, makakalaban naman niya ang beteranong si Suban Pannon sa lightfly class
Sa kabilang dako nakatakdang makipagtipan si Tipon kay Liu Shih Jung ng Taipei at kapag nagpatuloy ang panalo malamang na makaharap ang Thai veteran na si Worapoj Petchkoon sa semis ng bantamweight division. Sasabak din sa aksiyon si Genebert Basadre laban naman sa Pakistani na si Asghar Ali Shah sa isa sa lightweight bouts sa Aspire Hall 5.
Sa Qatar Bowling Center, magbabalik sa paghukay ng medalya ang RP bowlers sa mens at womens doubles competition.
Sa tennis, papalo sa aksiyon ng round of 16 ang RP tennis team na binabanderahan nina Fil-Am at SEA Games gold medallists Cecil Mamiit at Eric Taino at local bets John PJ Tierro sa mens team event sa Khalifa International Tennis and Squash Complex bandang alas-10 ng umaga dito (alas-5 ng hapon sa Manila) habang ang womens squad naman nina Czarina Mae Arevalo at Denise Dy ay sasabak sa alas-4 ng hapon.
Magpapakitanggilas naman sa larangan ng cue sports sina Leonardo Andam at Alvin Punzalan sa kanilang pagsalang sa snooker table sa panimula ng doubles competition habang sasargo naman si Reynaldo Grandea sa English billiards singles sa Al Sadd Sports Club.
Sa iba pang palaro ngayon, sa Sports City papalo ang tambalang Parley Tupaz at Rhovyl Velayo laban kina Li Jian at Zhou Chun ng China sa mens beach volleyball.
Sa kalsada ng Doha, pepedal si Baby Marites Bitbit sa womens road race simula alas-12:30 ng tanghali habang magbabalik aksiyon si Roel Ramirez sa mens all-around event ng gymnastics sa Aspire Hall.
Makikipagbuno naman sina judokas Gilbert Ramirez at Estie Gay Liwanen sa judo event, Benjie Tolentino at Jose Rodriguez sa mens doubles skulls repechage sa rowing, Daniel Coakley, Kendrick Uy (mens free), Erica Totten at Marichu Gandiongco (womens 400m free), Gerard Bordedo ( mens 100m breast), Totten at Gandiongco womens 200m fly sa Hamad Aquatic Center. (DMV)